NAGBABALA ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na habang papalapit ang taong 2058, tumataas ang posibilidad na tumama ang tinatawag na “Big One”, isang 7.2 magnitude na lindol na inaasahang magdudulot ng malawakang pinsala sa Metro Manila.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na bagaman imposible pa ring tukuyin ang eksaktong oras kung kailan yayanig ang “The Big One,” maaaring matukoy ang approximate timeline nito batay sa tinatawag na recurrence interval ng West Valley Fault.
Ang West Valley Fault ay dumadaan sa Quezon City, Marikina, Pasig, Makati, Taguig, at Muntinlupa, pati na rin sa mga karatig-probinsya ng Bulacan, Rizal, Cavite, at Laguna. Huling gumalaw ito noong taong 1658. Batay sa tinatayang 400 hanggang 600 taon ng pagitan ng bawat major movement, posibleng mangyari muli ang malakas na lindol sa pagitan ng 2058 hanggang 2258.
“Habang papalapit tayo sa 2058, tumataas ang posibilidad na muling gumalaw ang fault at mangyari ang 7.2 magnitude na lindol,” paliwanag ni Bacolcol.
“Pero may kaakibat itong uncertainty — maaaring mas maaga o mas huli pa itong mangyari. Kaya nga sinasabi naming dapat tayong maging handa para sa ‘ The Big One,’” dagdag niya.
Dagdag pa ni Bacolcol, karaniwan lamang ang mga sunod-sunod o magkakasabay na pagyanig sa bansa dahil may 180 active fault segments at anim na active trenches sa Pilipinas.
Ayon sa kanya, nakakaranas ang bansa ng humigit-kumulang 30 lindol kada araw, ngunit karamihan dito ay hindi nararamdaman ng tao at tanging mga instrumento lamang ang nakakapagtala.
Ipinunto rin ni Bacolcol na ang mga malalakas na lindol na kamakailan ay dulot ng magkakaibang fault at trench.
Ang Magnitude 4.4 sa La Union ay mula sa Philippine Fault, habang ang ang Magnitude 6.9 sa Cebu ay galing sa Bogo Bay Fault,
Samantala, ang Magnitude 5.1 sa Zambales ay sanhi ng Manila Trench at ang Magnitude 7.4 sa Davao Oriental ay dulot ng Philippine Trench.
“Normal lang ito. Marami lang talagang malalakas na lindol na naramdaman ng mga tao kamakailan, pero lahat ay normal,” sabi ng direktor.
Hinikayat din ni Bacolcol ang publiko na gamitin ang hazardhunter.ph upang malaman kung may aktibong fault lines o delikadong lugar sa kanilang paligid, at kung saan maaaring ligtas na lumikas sakaling tumama ang malakas na lindol. (LIMUEL TOLENTINO)
