December 23, 2024

Philippine Red Cross, namahagi ng pinansiyal na tulong para sa higit 200 pamilya sa Tondo

Umabot ng dalawang daan at apat (204) na mga pamilya mula sa dalawang barangay ng Tondo, Manila ang nabigyan ng P3,500 multipurpose cash grant ng Philippine Red Cross (PRC) sa pangunguna ni Senador chairman Richard Dick Gordon. (Kuha ni Norman Araga)

NAMAHAGI ang Philippine Red Cross ng pinansiyal na tulong sa mahigit 200 pamilya sa Tondo, Maynila, ayon sa chairman at CEO nito na si Senador Richard Gordon.

Pinangunahan ni Gordon ang pamamahagi ng P3,500 cash grant sa para sa mga benepisyaryo mula Barangay 91 at 234.  Sinabi rin niya na ang Maynila ay pangatlo sa 18 siyudad sa bansa ang nakatanggap ng nasabing suporta mula sa humanitarian organization – ang Mandaluyong at San Juan ang naunang dalawa.


Sa kabuuang P70 milyon na badyet ng multi-purpose cash assistance ng Red Cross, P4.5 milyon ang inilaan para sa 1,300 pamilya sa Maynila, saad niya.

“Ito ay kaunting tulong mula sa Red Cross upang ang ating mga kababayan ay matulungan nating makabangong muli at magkaroon ng pagkakakitaan habang hindi pa natin nalalampasan ang pandemyang kinahaharap natin ngayon,” dagdag pa niya.