December 23, 2024

PH UMAKYAT SA GLOBAL ANTI-RED TAPE RANKING SA 49TH – ARTA

UMAKYAT ng tatlong puntos ang status ng Pilipinas sa global-anti red tape rankings sa government efficiency.

Ayon sa Anti-Red Tape Authority (ARTA), nasa 49th na ang Pilipinas sa 2024 World Competitiveness Report ng International Institute for Management Development mula sa 67 mga bansa sa mundo.

Sinabi ng ARTA, magpapatuloy ang gobyerno sa pag-streamline at mag-digitalize sa mga serbisyo ng gobyerno upang makasabay ang Pilipinas sa buong mundo.

“We remain committed to streamlining and digitalizing government services for a more competitive and Business-friendly Bagong Pilipinas,” anang ARTA.

Kinilala ng International Institute for Management Development ang mahalagang papel ng gobyerno sa pagbibigay ng episyenteng mga serbisyo, polisiya at aksiyon sa mamamayan.

Kabilang sa mga tinutukan ng ARTA ay ang bilin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing madali at simple ang mga proseso sa mga tanggapan ng gobyerno partikular na sa mga nais mag tayo ng negosyo sa bansa sa pamamagitan ng “ease of doing business” na naging batas upang makaakit ng mas maraming pamumuhunan sa bansa.