November 18, 2024

PH National swim tryouts… MJ MOJDEH NG BEST REYNA NG 200M

RUMARATSADA ang mga beteranong swimmers, ngunit patuloy ang agaw-eksena ng mga junior standout sa pangunguna ni Micaela Jasmine Mojdeh ng Behrouz Elite Swim Team ( BEST)sa ikalawang araw ng National tryouts nitong  weekend para mapili ang mga miyembro ng Philippine Team na isasabak sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa Mayo 6-17,

Nadugtungan ng 16-anyos National Junior record holder at Palarong Pambansa phenom ang arangkada sa unang araw ng qualifying  sa isa pang impresibong gold medal win sa women’s  200m butterfly sa tyempong dalawang minuto at 20.76 segundo. Ang naitalang oras ay lagpas sa qualifying time-B na 2:22.71 para sa SEAG criteria.

Sumegunda sa kanya Camille Buico ng Rising Atlantis sa tyempong 2:22.26 na pasok din sa QT-B, habang bronze medalist si Mishka Sy ng QC Bucaneers (2:25.04).

Ito ang ikalawang gintong medalya ng premyadong student-athlete ng Brent International at tanyag bilang ‘Water Beast’ sa apat na araw na torneo na inorganisa ng Stabilization Committee na inatasan ng World Aquatics na pamunuan pansamantala ang Philippine swimming habang hindi pa naisasagawa ang bagong halalan matapos bawian ng pagkilala ng International Swimming body ang Philippine Swimming Inc. gayundin ang lahat ng Board members nito.

“We’re really excited. This is better than last year qualifier. Mas masaya, mas maraming nanonood.  Last year kasi dahil din siguro sa COVID konti lang kaming participants sa qualifying para dalawa kaming naglalaban sa isang event. Walang hyped, compared this year, feeling ko mas ready ang lahat,” pahayag ni Mojdeh, naunang nagwagi sa women’s 200m Individual Medley sa oras na 2:27.44.

“Considering sa results ng mga time pati ng silver medalist, feeling ko mas ready ang marami for the SEA Games and we can do better,” saad ng tanging Pinay na nakaabot sa semifinals ng World Junior Championship nang sumabak sa torneo sa Lima, Peru sa nakalipas na taon.

Humirit din ang kasangga niya sa Behrouz squad na si Geoffrey James Liberato sa men’s 200m breast sa oras na 2:28.54 kontra kina Grieco Limfilipino ng Ayala Harpoon (2:31.15) at Joseph Arca ng Alcantara Aquatics (2:31.42).

Humirit naman ang two-time Olympian na si Jasmine Alkhaldi ng Ayala Harpoon sa women’s 100m free sa tyempong 57.40 segundo laban sa kapwa beterano na si Xiandi Chua ng Top Swim sa gabuhok na layong 57.42 segundo. Kapwa pasok sa QT-B na 57.84 ang oras ng dalawa. Nakopo ni Canille Buico ang bronze medal (58.42).

Bumawi ang 20-anyos na si Chua sa women’s 400, Individual medley sa tyempong 5:13.47 kontra Juliana Villanueva ng Silverfin (5:36.95), habang nabigo ang isa pang beterano na si Miguel Barreto ng Ayala Harpoon (51.55) na masungkit ang ikatlong gintong medalya matapos maungusan ng Fil-Am na si Jarod Jason Hatch sa men’s 100m freestyle (51.01. Parehong pasado naman sa QT-B (51.86) ang dalawa.

Nanopresa ang 14-anyos na si Mariz Angel Capalar ng Truelen Aqua team  nang magwagi sa 200m breastroke sa oras na 3:00.48 labang sa mga kapwa junior athletes na sina Mikaila Cajucom ng Alcantara (3:04.39) at Cherry Daiz ng Daiz Swim (3:04.54).