November 24, 2024

PH, JAPAN PAG-UUSAPAN NA ANG VISITING FORCES DEAL

SISIMULAN na ng Pilipinas ang pormal na pakikipagnegosasyon sa Japan para sa reciprocal access agreement (RAA) na magsisilbing legal na basehan para sa dalawang bansa kung saan maaring pumasok sa kanya-kanyang teritoryo ang kanilang mga tropa para sa joint military exercises, ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.

Tumungo ang negotiating team sa panunguna ni Defense Undersecretary Pablo Lorenzo sa Tokyo noong Lunes ng umaga para simulan na ang diskusyon, dagdag pa ni Teodoro sa sidelines ng pre-anniversary forum ng Armed Forces of the Philippines.

Una nang pinayagan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr at Japanese Prime Minister Fumio Kishida para simulan ang opisyal na pag-uusap sa naturang agreement bilang bahagi ng pagsisikap na palakasin ang kanilang alyansa sa harap ng pagiging agresibo sa rehiyon ng China.

“We are cognizant of the benefits of having this arrangement both to our defense and military personnel and to maintaining peace and security in our region,” ani ni Marcos.

Dahilan para ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Association of Southeast Asian Nations (Asean) na magkaroon tulad ng RAA sa Japan.

Kahalintulad ang panukalang RAA sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos at Status of Visiting Forces Agreement (Sovfa) sa pagitan naman ng Pilipinas at Australia.