SALUBONG sa isang bayani ang bubulaga kay Filipino gymnast Carlos Yulo, sa makasaysayang pagkamit ng dalawang gintong medalya sa men’s floor exercise at vault events sa 2024 Paris Olympics.
Nakuha ni Yulo ang una niyang gold medal matapos siyang maghari sa men’s floor exercise finals nitong Sabado ng gabi sa Bercy Arena.
Kumamada ang 24-anyos na golden boy ng Pilipinas ng 15.166 points sa kaniyang event, at kauna-unahang atleta ng Pilipinas na naka-ginto ng dalawang beses sa Olympics.
Dahil dito, inihahanda na ng Manila City government ang Hero’s Parade para kay Carlos Yulo matapos ang kaniyang naging tagumpay.
Ayon kay Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan, bibigyan ng hero’s welcome si Yulo at magkakaroon ng hero’s parade para sa kaniya.
Posibleng simulan ang parada sa Leveriza Street sa Malate, Maynila kung saan lumaki si Yulo.
Inaasahan ding dadaan ang parada malapit sa Malacañang, sa University Belt, at matatapos ito sa Manila City Hall.
Sa City Hall ay pagkakalooban naman ng cash incentivesat pagkilala si Yulo.
Hihilingin din ng City Government sa pamunuan ng mga eskwelahan sa Maynila sa pakikipag-ugnayan sa DepEd na ang mga estudyante ay payagang makiisa sa parada at mag-abang sa mga ruta nito.
BIYAYA SA PANALO
Sa ilalim ng Republic Act 10699, may cash incentives ang gobyerno sa mga mananalo ng medalya sa naturang kompetisyon.
P10 milyon sa makasusungkit ng ginto, P5 milyon para sa pilak, at P2 milyon sa mag-uuwi ng tansong medalya.
Ang naturang cash reward ay para sa bawat individual events.
Makatatanggap din ng Olympic Gold Medal of Valor mula sa Philippine Sports Commission (PSC) ang makasusungkit ng gintong medalya.
May pangako rin ang POC ng house and lot sa gold medalist. Sa lumabas na mga ulat, isang property development company ang nangako na magbibigay ng condominium unit sa makakakuha ng ginto.
Sa Kamara de Representantes, magbibigay umano ng P3 milyon regalo para kay Yulo.
“In recognition of his historic accomplishment, the House of Representatives is honored to award Carlos Yulo P3,000,000. This reward reflects our support for his continued success and our commitment to fostering Filipino talent on the international stage,” ayon kay Representative Elizaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations. (RON TOLENTINO)
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA