November 23, 2024

PH COVID-19 CASES, PUMALO SA 561,169

UMAKYAT na sa higit 561,000 ang bilang ng COVID-19 sa bansa matapos ianunsiyo ng Department of Health ang 1,888  baong mga pasyente.

Nasa 561,169 na ang kaso ngayon, kung saan 26,238 o 4.7% ang aktibong kaso, ayon sa pinakabagong ulat. Hindi pa kasama rito ang datos mula sa dalawang testing laboratories na nabigong isumite sa tamang oras.

Umabot naman sa 9,737 pasyente ang gumaling sa virus, kaya umakyat na ang bilang ng nakarekober sa 522,843.

Samantala, nasa 20 naman ang nadagdag sa mga nasawi, dahilan upang umakyat na sa 12,088 ang death toll.

Nakapagtala rin ngayong Linggo ang DOH ng 18 bagong pasyente na may United Kingdom (UK) variant ng virus, na sinasabing mas nakakahawa. Dahil dito, umabot sa 62 ang kabuuang bilang ng kaso ng UK variant.

Sa buong mundo, 111 milyon na ang nagkakaroon ng COVID-19, kung saan 2.4 milyon ang binawian ng buhay, ayon sa Johns Hopkins Coronavirus Resource Center.