November 23, 2024

PETISYON NG RAPPLER VS COVERAGE BAN NI DIGONG IBINASURA NG SC

Idinismis ng Korte Suprema ang petisyon ng Rappler tungkol sa pagba-ban sa coverage kay Dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa sinulat na desisyon ni Associate Justice Maria Filomena D. Singh, ng Supreme Court en banc, ang pagdismis sa petisyon ay dahil sa pagiging moot o wala nang bisa dahil nakababa na sa kapangyarihan ang Dating Pangulong Duterte

Una nang umakyat sa Korte ang grupo ng Rappler dahil sa pagbabawal ng Presidential Communications Operations Office sa Rappler na mapuntahan para kumalap ng balita sa lahat ng aktibidad na dinadaluhan ng dating Pangulo.

Ang naturang hakbang ay kasunod nang pagbawi ng Securities and Exchange Commission sa Certificate of Incorporation ng kumpanya noong 2018 na nagresulta upang hindi na i-renew ang accreditation nito bilang kasapi ng Malacañang Press Corps

Sa pagbasura sa kaso, sinabi ng Korte na wala nang praktikal na halaga na desisyunan ang isyu.

Ito ay dahil sa bukod wala na sa posisyon si Duterte, nagagawa na rin ng naturang media entity na makapag-cover ng mga aktibidad ng Pangulo ng bansa

Kasabay nito, binigyang diin naman ng Kataas taasang Hukuman na ang kalayaan sa pamamahayag ay nananatiling isa sa pinakamahalagang batayan ng demokrasya.