November 19, 2024

PEKENG OPERATIONS ORDER IBINABALA NG BI SA MGA DAYUHAN

MAYNILA — Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhan hinggil sa pekeng operations order na kumakalat sa mga chat group sa internet.

Sa isang abiso, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang operations order na pinamagatang ‘checking overstaying and illegal employment in various entertainment places’ ay hindi inilabas ng BI.

Nabatid na ang fake order ay nag-uutos umano sa immigration personnel na magsagawa ng inspeksyon sa entertainment places sa Maynila, kabilang ang mga bar, KTVs, music houses, golf clubs, bowling alleys, internet cafes, amusement parks, casinos, hotels, guest houses, at restaurants upang hagilapin ang mga illegal na dayuhan.

“No such order has been issued by the BI,” saad ni Tansingco.  “Our operatives are not authorized to randomly inspect establishments, but instead are required to secure a mission order to conduct an arrest.  A mission order is only issued upon thorough investigation and confirmation that the subject foreign national has indeed violated immigration laws,” dagdag pa ng opisyal.

Naniniwala si Tansingco na ginagamit ng mga sindikato ang fake order para takutin ang mga dayuhan sa bansa upang ma-scam ang mga ito.

Nanawagan naman si Tansigco na ipagbigay-alam kaagad sa mga awtoridad ang ganitong uri  ng pang-i-scam.