PINURI ng Bureau of Immigration (BI) ang Airport Police Department (APD) dahil sa pagkakaaresto sa tatlong miyembro ng sindikato na namemeke ng immigration stamps upang magpaalis ng mga Filipino papuntang abroad.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nadakip ng mga operatiba ng APF sa pamumuno ni Supt. Bing ang tatlong indibidwal, na itinago ang pagkakilanlan alinsunod sa anti-trafficking laws, noong Nobyembre 11, matapos magbigay ng iligal na tulong sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.
Nahaharap ang tatlo sa mga kasong paglabag sa Article 172 o Falsification by private individuals and use of falsified documents at Article 177 o Usurpation of authority or official functions ng Revised Penal Code.
Pinag-aaralan din ang pagsampa ng kaso para sa paglabag sa Republic Act No. 11862 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.
Ayon sa BI, hindi bababa sa 21 kaso ng paggamit ng pekeng stamp mula Hulyo ngayong taon ang nasa record ng BI.
Sinasabing nagbayad ng hanggang P200,000 ang mga biktima para sa iligal na serbisyo ng sindikato.
Ang modus ng sindikato magpanggap na konektado sa BI, mag-alok ng serbisyo online at makikipagkita sa kanilang mga biktima sa isa sa mga tindahan sa loob o paligid ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Doon, kinukuha ng mga suspek ang pasaporte ng biktima at ibinabalik ito na may pekeng immigration departure stamp.
Sinasabi ng mga suspek na mayroon silang kasabwat sa immigration at hinihiling sa biktima na dumiretso na lamang para sa immigration clearance.
Gayunpaman, sa inspeksyon ng mga opisyal, natutuklasan ang pekeng stamp sa pasaporte ng biktima, kaya’t hindi sila pinapayagang makasakay sa kanilang flight.
Isang nagngangalang Ben, 30, ang nagtangkang magtungo sa Dubai noong Nobyembre 6 sa NAIA Terminal 3 pero nahuli dahil sa pekeng stamp sa kanyang pasaporte.
Noong Nobyembre 15, na-intercept din ng mga BI officers ang isang Ana, 32, na nagpakilalang turista papuntang Phnom Penh, Cambodia sa NAIA Terminal 3. Natuklasan din ang pekeng stamp sa kanyang pasaporte at kalaunan nakumpirmang na-rekrut upang magtrabaho nang ilegal sa isang online casino sa Cambodia. ARSENIO TAN
More Stories
DIGONG TATAYONG ABOGADO NI VP SARA VS IMPEACHMENT
Christmas holiday: BI nagtala ng halos 190,000 na mga biyahero sa mga paliparan
Sharks Billiards Association inaugural season… TAGUIG STALLIONS ANG KAMPEON