ARESTADO ang isang pedicab driver matapos tutukan ng baril at pagbantaan ang kapwa driver dahil lamang sa sagian ng ipinapasada nilang pedicab sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Hindi na nakapalag si Marcelino Versoza, 47, ng R-10, Sitio Sto Niño, Brgy NBBS Proper, nang posasan siya ng mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station-4 habang hawak pa ang kalibre-38 revolver na itinutok niya sa ulo biktimang si Ninito Bacud, 46, na residente rin ng Sitio Sto Niño.
Sa ulat ni P/SSg. Edison Mata, imbestigador na may hawak ng kaso kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, dakong alas-4:40 ng madaling araw nang hindi sinasadyang masagi ng pedicab na ipinapasada ng biktima ang ipinapasada namang pedicab ng suspek sa isang pilahan sa C-3 Road.
Sa galit ng suspek, binangga rin niya ang pedicab ng biktima at upang makaiwas sa gulo, lumipat ng pila sa Road-10, Sitio Sto Niño si Bacud subalit sinundan siya ni Versoza at tinutukan ng baril sa ulo, sabay pahayag ng katagang “Papatayin kita, gago”.
Sa labis na takot, nagtatakbong palayo si Bacud at masuwerteng nakahingi kaagad ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nabawi ng pulisya sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na may kargang tatlong bala.
Iprinisinta na sa Navotas City Prosecutor’s Office si Versoza upang isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa kasong grave threat at paglabag sa R.A. 10591 in relation o Omnibus Election Code na isinampa laban sa kanya.
More Stories
1ST SOUTHEAST ASIA SUDOKWAN C’SHIP IHU-HÒST NG PILIPINAS
US MAGBIBIGAY NG $1-M PARA SA PEPITO VICTIMS
3 SOKOR FUGITIVES NASUKOL NG BI