December 23, 2024

PDL na saksi sa kill order vs Chinese drug lord pinalaya

PINALAYA ng Bureau of Corrections ngayong araw ang bilanggo na si Jimmy Fortaleza matapos katigan ng korte ang kanyang petisyon para sa habeas corpus.

Ayon kay Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. kailangan ipaalam ng BuCor sa Quad Committee ang desisyon ng korte dahil nasa kustodiya ng House of Represesentatives si Fortaleza bilang witness.

Sa 14-pahinang desisyon na may petsang Disyembre 23, 2024, ni Presiding Judge Gener Gito ng Regional Trial Court Branch 206 ng Muntinlupa, pinayagan ng kortre ang petisyon ni Fortaleza para sa habeas corpus with prayer para sa komputasyon ng kaniyang special time allowance for loyalty (STAL) sa tagal ng kaniyang pagkakapiit.


Dahil sa STAL, nabawasan ng walong taon ang 32 taon na sentensiya ni Fortaleza, kaya naging 24 na taon na lang.

Ayon sa BuCor, June 2008 pa nakapiit si Fortaleza o kabuuang 29 na taon hanggang limang buwan, kaya labis na ang taon na kaniyang inilagi sa kulungan, base sa STAL.

Iniutos ng RTC ang kaagad na paglaya ni Fortaleza.

“Since we already received the requested authenticated copy of the resolution of the Management, Screening and Evaluation Committee (MSEC) from the Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), there is no reason for Fortaleza to remain in our custody,” ayon kay Catapang.

Una rito, sinuportahan ni Fortaleza ang testimonya ng dalawa pang bilanggo tungkol sa ginawang pagpatay sa tatlong Chinese na umano’y drug lord na nakapiit sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016, na siyang subject sa pagpapatuloy ng imbestigasyon na isinagawa ng komite.

Sa pagdinig ng komite, sinabi ni dating Davao Prison and Penal Farm officer-in-charge Gerardo Padilla, sinabihan umano siya ni dating Police Colonel Royina Garma, na hepe noon ng Cebu CIty Police, na huwag haharangin ang gagawing pagpatay sa tatlong Chinese.

Idinagdag ni Padilla na nakausap siya ni Garma sa pamamagitan ni Fortaleza, na kaklase ni Garma sa Philippine National Police Academy (PNPA).