
Maynila — Nanawagan ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), ang pinakamalaking samahan ng mga negosyante sa bansa, sa mga bagong halal na mambabatas na unahin ang pagpasa ng mga batas na makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya at magpapalakas sa kakayahan ng bansa na makipagsabayan sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay PCCI President Enunina Mangio, may limang panukalang batas na dapat unahing isulong ng ika-20 Kongreso upang mapabuti ang kalagayan ng negosyo at mapalakas ang pangmatagalang kaunlaran.
Una sa listahan ang Magna Carta for Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na layong palawigin ang mandato sa mga bangko na maglaan ng pautang para sa maliliit na negosyo.
Pangalawa, iminungkahi rin ang paglikha ng International Maritime Trade Competitiveness framework upang ma-regulate ang singil ng mga international shipping lines, tiyaking makatarungan ito, sumusunod sa global standards, at nasasaklaw ng buwis sa lokal na antas.
Ikatlo, hiniling din ni Mangio ang pag-amyenda sa charter ng Philippine Ports Authority (PPA) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) upang ihiwalay ang regulatory at developmental functions ng dalawang ahensya.
Pang-apat, isinulong ang pagpasa ng National Quality Infrastructure Act na magtitiyak na pumapasa sa international standards ang mga produktong Pilipino upang mas madaling makapasok sa pandaigdigang merkado.
At panghuli, hinimok ang Kongreso na ipasa ang panukalang batas para sa rationalization ng mining fiscal regime na magbibigay ng malinaw at predictable na polisiya sa pagbubuwis ng sektor ng pagmimina—isang sektor na nangangailangan ng mahabang panahon ng pamumuhunan mula eksplorasyon hanggang operasyon.
“Ang mga repormang ito ay mahalaga kung nais nating magkaroon ng matatag at progresibong ekonomiya,” ayon kay Mangio.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng mga mambabatas na may integridad at track record ng suporta sa negosyo, partikular yaong nagtutulak ng polisiya laban sa red tape, nagsusulong ng patas na kompetisyon, at sumusuporta sa paglago ng MSMEs.
“Ang mga lider na may malasakit sa ekonomiya ay hindi lang bukas sa dayalogo, kundi aktibong katuwang ng sektor ng negosyo sa paghubog ng mas maunlad na bansa,” dagdag pa niya.
More Stories
PTFOMS naalarma sa panggigipit sa media sa 2025 mid-term elections
EcoWaste Coalition Nanguna sa Post-Election Clean-Up
Mayor Joy Belmonte, Tinalaga Bilang Ganap na Panalo sa 2025 Elections