November 16, 2024

PBBM SA PINAKAMALAKING DROGA NA NASABAT: WALANG NAMATAY, WALANG NASAKTAN

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pag-inspeksyon sa halos dalawang tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng P13.3 billion sa Batangas.

Ang nakumpiskang illegal na droga ay itinuturing na pinakamalaking droga na nasabat sa kasaysayan ng Pilipinas.

Sa isang panayam, matapos ang pag-inspeksyon, sinabi ng Pangulo na nagawa ng mga arresting agents na mahuli ang isa sa mga suspek na hindi gumamit ng anumang karahasan.

Nagawa ng mga pulis na dakpin ang suspek na nagmamaneho ng van sa isang road checkpoint sa Alitagtag, Batangas, araw ng Lunes.

“This is the biggest shipment of shabu na nahuli natin. But not one person died. Walang namatay, walang nagputukan, walang nasaktan. Basta’t in-operate natin na dahan-dahan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

“‘Yun naman dapat ang approach. Para sa akin, ‘yun naman dapat ang approach para sa drug war na ang pinaka-importante is matigil natin ang pag-ship ng mga drugs dito sa pag-pasok dito sa Pilipinas,” dagdag na wika nito.

Sa ngayon, sinusubaybayan ng mga awtoridad ang ‘source’ ng ilegal na droga, itinuturo na hindi ito ‘locally manufactured.’

Sa kabilang dako, inirekomenda naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang “spot promotion” ni Alitagtag Municipal Police Station Chief P/Captain Luis de Luna Jr. na ‘one rank higher’ kasunod ng matagumpay na illegal drug operation.