November 5, 2024

PBBM PINAGKALOOBAN NG AMNESTIYA MGA REBELDE

KUMBINSIDO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nalalapit na ang pagwawakas ng hidwaan sa pagitan ng gobyerno at kalaban ng estado sa bisa ng isang Executive Order na naggagawad ng amnestiya sa mga rebelde.

Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ng Palasyo ang Executive Order 47 na lumikha ng bagong mandato sa National Amnesty Commission para sa pagsasaayos ng proseso sa mga nais magpasakop sa amnesty program ng pamahalaan.

“There is hereby created the National Amnesty Commission, hereinafter referred to as the Commission, which shall be primarily tasked with receiving and processing applications for amnesty and determining whether the applicants are entitled to amnesty under Proclamation Nos. 403, 404, 405 and 406,” saad sa isang bahagi ng EO ni Marcos.

Sa ilalim ng amnesty program ng administrasyon, ginawaran ng ‘kapatawaran’ ang mga miyembro ng grupong Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF).

Gayunpaman, nilinaw ng Palasyo na hindi saklaw ng amnestiya yaong mga rebeldeng nahaharap sa mga kaso tulad ng kidnap for ransom, massacre, rape, terorismo, ‘crimes committed against chastity’ sa ilalim ng Revised Penal Code, paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (Republic Act 9165), grave violations sa ilalim ng Geneva Convention of 1949, genocide, crimes against humanity, war crimes, torture at enforced disappearances.

Una nang naglabas ng pahayag ang mga miyembro ng NPA sa southern Tagalog na tatanggihan nila ang alok na amnestiya ni Marcos.