November 5, 2024

PBBM PINAGBIBITIW NI ALVAREZ (Papalitan ni Sara – Rep. Alonto)

Kinondena ng isang lider ng House of Representatives si dating Speaker Pantaleon Alvarez sa panawagan nito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na magbitiw sa puwesto upang humupa ang tensiyon sa West Philippine Sea.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong malinaw na isang political maneuvering ang panawagan ni Alvarez na naglalayong gawing Pangulo si Vice President Sara Duterte, anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Adiong na mistulang minamaliit at hindi inirerespeto ni Alvarez ang demokratikong proseso na nagbigay ng mandato kay Pangulong Marcos.

Ayon kay Adiong hindi ang kapakanan ng bansa nag tunay na layunin ng panawagan ni Alvarez kundi pansariling kapakanan.

Si Alvarez ay kaalyado ni dating Pangulong Duterte.

Sinabi ng mambabatas na mahalaga na para sa kapakanan ng bansa ang mga desisyon na ginagawa ng mga lider ng bansa at hindi para sa ambisyon ng iilan.

Kamakailan ay naglabas ng pahayag si Alvarez at nanawagan ito na magsakripisyo si Pangulong Marcos at magbitiw sa puwesto upang maging pangulo si Vice President Duterte at humupa ang tensyon sa WPS.