
Agad na kumilos ang pamahalaan, Department of Education (DepEd), at mga katuwang mula sa pribadong sektor upang suportahan ang San Francisco High School (SFHS) sa Quezon City matapos masunog ang isa sa pangunahing gusali nito ilang araw bago ang pagbubukas ng School Year 2025–2026.
Pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbisita sa paaralan nitong Miyerkules, at tiniyak na hindi mapuputol ang edukasyon ng mga mag-aaral sa kabila ng trahedya.
“Ipinag-utos ko na sa DPWH na pag-aralan kung gaano kabilis natin maitatayo muli ang nasunog na gusali. Sisiguraduhin naming makakapasok pa rin ang mga bata, at mapapalitan ang mga nasirang kagamitan,” pahayag ng Pangulo.
Kaagapay ang DepEd na pinamumunuan ni Education Secretary Sonny Angara, agad na isinagawa ang mga recovery measure para maibalik ang ligtas at maayos na pag-aaral sa nasabing paaralan.
“Hindi biro ang mawalan ng silid-aralan ilang araw bago ang pasukan. Pero ramdam ng mga guro at magulang na hindi sila nag-iisa. Ang mabilis na pagtugon ng Pangulo ay patunay na mas mabilis ang pagbangon kapag ang liderato ng bansa ay nakikinig at kumikilos,” ani Angara.
Bago pa man ang site visit, tumugon na ang ilang partners. Nagbigay ang SC Johnson ng 140 armchairs (mula sa 400 na ipinangakong kabuuang bilang), habang ang San Francisco High School Alumni Association at Barangay Sto. Cristo ay nagbigay ng pintura, toilet fixtures, at manpower.
Nagpadala rin ng tulong ang Quezon City LGU sa pamamagitan ng kanilang Sanitation at Engineering Offices, habang ang mga kalapit na pampublikong paaralan ay nagbahagi ng mga ekstrang upuan. Naglabas naman ng ₱100,000 agarang tulong ang DepEd Schools Division Office ng QC, habang inaasahan ang karagdagang suporta mula sa Philippine Statistics Authority at SM Foundation.
Ang sunog ay nagsimula noong Hunyo 15, bandang 10:45 ng umaga, at tumupok sa Dao Building, isang Imelda-type structure na itinayo noong 1985. Apektado ang humigit-kumulang 720 junior high school students matapos masira ang 10 silid-aralan — walo para sa academic at dalawa para sa non-academic use — na nagdulot ng tinatayang ₱3 milyong halaga ng pinsala.
Kabilang sa mga nasira ay armchairs, teacher’s desks, electric fans, lighting fixtures, computer sets, at halos 150 bundles ng learning materials. Sa kabila nito, tiniyak ng DepEd na tuloy ang klase sa takdang petsa, at pansamantalang inilipat ang mga apektadong estudyante sa DepEd Building A na may 12 bakanteng silid-aralan.
Muling papalitan ang mga learning materials, habang patuloy ang pagdating ng tulong mula sa mga pribadong donors upang maisaayos ang mga sirang kagamitan at classroom ventilation.
“Lubos po ang pasasalamat namin sa lahat ng tumulong — mula sa pribadong sektor, lokal na pamahalaan, alumni, at mga kalapit na paaralan. Sa gitna ng trahedya, nabuhay ang diwa ng bayanihan,” dagdag ni Angara.
Iminungkahi na rin ng DepEd ang pagtatayo ng isang bagong four-storey, 20-classroom building upang palitan ang Dao Building at masolusyunan din ang kasalukuyang kakulangan sa silid-aralan ng paaralan.
Sa kasalukuyan, mahigit 7,300 ang enrolled na mag-aaral sa SFHS, at may halos 330 teaching at non-teaching personnel — dahilan kung bakit ito ay isa sa pinakamalalaking pampublikong high school sa Quezon City.
More Stories
PETISYON KONTRA DUTERTE YOUTH PINABORAN NG COMELEC
‘Protect Your Money’ campaign muling inilunsad vs scam
Christian Araneta sasabak sa world title fight kontra Thai powerhouse