December 26, 2024

PATAY SA RIOT SA CALOOCAN CITY JAIL, 6 NA, 33 SUGATAN (Jail warden sinibak)

Pumalo na sa anim katao ang namatay habang 33 naman na persons deprived of liberty (PDL) ang sugatan sa naganap na madugong riot sa loob ng Caloocan City Jail, Lunes ng hapon.

Kinumpirma naman ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr. na si jail warden Supt. Neil Subibi ay sinibak na sa puwesto sa utos mula sa top leadership ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ito’y kasunod ng madugong riot na nangyari dakong alas-3:30 ng hapon sa loob ng jail compound sa Tanigue Street, Dagat-dagatan Avenue na kinasangkutan ng mga miyembro ng dalawang magkalabang gang na Sputnik Gang at Commando Gang.

Sa progress report na ibinigay ni Northern Police District (NPD) Director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ang dalawa pang nasawi bilang si Joel Andrino at Joe Santaguda, kapwa miyembro ng Commando gang.

Habang ang apat na unang namatay ay sina Arturo Bihasa, 60; at Hand Omas, 35, kapwa miyembro ng Commando Gang, Sherwin Perez, 52; at John Patrick Chico, 21, parehong miyembro naman ng Sputnik Gang.

Sa parehong progress report mula kay Mina, dalawang jail officers na sina Inspector Freedom Mondeia at Jail Officer 1 Niño Sarmiento ang nasugatan din sa naturang madugong riot.

Ayon kay Mina, ang insidente ay sumiklab matapos umano ang mainitang pagtatalo ng dalawang magkalabang grupo dahil sa sugal na cara y cruz.

Sinabi pa ng hepe ng Caloocan police, ang mga pamilya ni Perez, Chico at Omar ay nag-executed ng isang waiver na hindi na sila iteresado sa imbestigasyon at autopsy examination.

Patuloy naman inilagay ng BJMP sa heightened alert ang jail compound kahit tapos ang gulo at sinuspinde rin ang lahat ng aktibidad sa loob ng pasilidad habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon.

Ani pa sa ulat, agad isinagawa ang inspeksyon sa personal na gamit ng mga bilanggo upang alisin ang anumang kontrabando habang nanatili naman ang karagdagang tauhan ng BJMP para matiyak ang kapayapaan at kaayusan.