January 23, 2025

Para iwas COVID-19: ‘No beep card, no ride’ policy ipatutupad sa Oktubre 1

PUMILA ngayong araw ang mga pasahero para makasakay sa EDSA Carousel busses sa Monumento, Caloocan City.  Simula bukas, ay ipatutupad na ng Department of Transportation ang ‘no beep card, no ride’ policy sa mga pasahero ng EDSA busway system. (Kuha ni ART TORRES)

IPATUTUPAD na ng Department of Transportation (DOTr) ang cashless transaction system upang maiwasan ang mabilis na pagkalat ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Ayon kay Engr. Alberto Suansing, consultant ng  DOTr, sisimulan na nila ang implementasyon ng “no Beep card, no ride” policy sa mga pasahero simula sa Oktubre 1.

Available ang mga beep card sa lahat ng bus stops at maaring gamitin sa MRT at LRT lines gayundin sa convenience stores.


“Walang cash. Dapat kasi parte ‘yan ng katungkulan ng department na mapangalaagaan na di kumalat ang COVID,” saad niya.

“‘Yung pera di natin alam saan galing ‘yan, sino humipo d’yan. So para maiwasan ‘yung palipat-lipat ng COVID.”

Pinaaalalahanan din ni Suansing ang publiko na sumunod sa minimum health protocols gaya ng 1-meter physical distancing sa ibang pasahero, magsuot ng face mask at face shield.