November 17, 2024

PANUKALANG TAPYASAN ANG TARIPA SA IMPORTED NA BIGAS, TINABLA NI MARCOS


Ibinasura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mungkahing bawasan ang taripa sa imported na bigas.

Ayon sa pangulo, hindi pa ito ang tamang panahon.

 “We decided with the agriculture and economic managers that … it was not the right time to lower the tariff rates because the projection of world rice prices is that it will go down,” saad ni Marcos. 

“So, this is not the right time to lower tariffs. Tariffs are generally lowered when the price is going up,” dagdag pa niya.

Ayon kay Press Secretary Cheloy Garafil, ginawa ni Marcos ang desisyon matapos ang pakikipagpulong sa agriculture officials, National Economic and Development Authority, Department of Finance, Department of Trade and Industry at Department of Budget and Management.

Suportado rin ni Agriculture Undersecretaries Leocadio Sebastian at Mercedita Sombilla ang desisyon ng Pangulo dahil sa parehong dahilan, ayon kay Garafil.

Una nang inimungkahi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na pansamantalang tapyasan ang tariff rates sa imported na bigas sa pagitan ng zero at 10 percent.

Matatandaang nagtakda ng price ceiling ang gobyerno sa bigas sa pamamagitan ng inisyung Executive Order no. 39.

Sinabi ng Pangulo na pinag-aaralan pang mabuti kung aalisin na o pananatilin ang itinakdang price cap sa bigas.

“Pag-aaralan nating mabuti,” dagdag ng Pangulo.

Naunang nagpahayag ng pagtutol ang ilang grupo ng magsasaka sa posibleng negatibong epekto ng pagbabawas sa buwis sa imported na bigas dahil ang mga importer lamang ang makikinabang nito. Lalo anilang babagsak ang presyo ng palay at mawawalan ng gana ang mga magsasaka na palaguin ang kanilang produksiyon