ALINSUNOD sa programang sapat at abot-kayang supply ng pagkain para sa mga mamamayang Filipino, mahigit 50,000 pirasong binhi ng isdang tilapia ang ipinunla sa lawang sakop ng baybaying munisipalidad ng Angono, Rizal.
Sanib-pwersang pumalaot sa Laguna de Bay na kilala bilang pinakamalaking lawa sa Pilipinas, ang mga kawani ng Angono Municipal Veterinary Office at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa pagpupunla ng naturang binhi ng tilapia sa bahagi ng Angono Lakeside Ecopark.
Ayon kay Angono Mayor Jeri Mae Calderon, higit na angkop pagyamanin ang Laguna de Bay alinsunod na rin sa programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na agresibong nagsusulong ng sapat at abot-kayang pagkain para sa mga mamamayan.
“Sagana sa yamang-dagat ang Lawa ng Laguna. Gayundin ang nalalabing taniman dito sa aming bayan. Hindi totoong kapos ang pagkain. Meron tayong magagawa. Higit na kailanman, ngayon na yun,”ani Calderon.
Ayon naman kay BASIL regional focal person Nenita Kawit, ang pagpupunla ng mga binhi ng tilapia ay bahagi ng programang Balik Sigla sa Ilog at Lawa o BASIL na sadyang binalangkas para isaayos ang kondisyon ng mga lawa at ilog,
Sitenta porsyento ng mga isdang tabang na isinusuplay sa mga pamilihang bayan sa Metro Manila ay galing sa Laguna de Bay.
“Ang pagpupunla ng bindi ng mga isda sa lawa ay makatutulong sa pagpapayabong ng kabuhayan ng mangingisda sa bayan at para makadagdag na rin ng suplay ng pagkain,” dagdag ni Calderon.
More Stories
DA NAGSAMPA NG KASO VS IMPORTER NG P20.8-M SMUGGLED NA SIBUYAS, CARROTS
Kampanya ng Filipinas sa 2025 AFC Women’s Futsal Asian Cup natapos na
OCCIDENTAL MINDORO INUGA NG 5.5 MAGNITUDE NA LINDOL