December 23, 2024

Pangalawang drive-thru testing center sa Lungsod ng Maynila, dinagsa

Kuha ni Norman Araga

TAGUMPAY ang pagbubukas ng pangalawang COVID-19 drive-thru testing center sa Quirino Grandstand, sa Lungsod ng Maynila makaraang dumagsa ang mga indibiduwal na nagnanais magpakuha ng kanilang COVID-19 test.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ito ang pinakamalaking drive testing sa lungsod, mahaba, malawak at mas kombiniyente para sa lahat.

Ang panibagong site ay may anim na pila, mayroong para sa mga motorsiklo, traysikel at 4-wheeled vehicles.

Alas-11 ng umaga itinakdang buksan sa publiko ngunit alas-4:00 pa lamang ng madaling-araw ay nagsimula na ang pila kaya maaga na ring pinabuksan ng alkalde.

Paalala lamang ng alkalde sa mga magpapakuha ng covid-19 test na magdala lamang ng government ID at maaari na silang magpasuri nang walang babayaran.

Kasama ng alkalde si  Vice Mayor Honey Lacuna sa dry-run operation ng center na nasa Independence Road,  Quirino Grandstand sa Luneta kung saan katuwang din sa test-run sina Manila Traffic and Parking Bureau chief Dennis Viaje, Manila Disaster Risk Reduction Management Office chief Arnel Angeles, Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan at acting City Engineer Pepito Balmoris.

Matapos ang ribbon-cutting ceremony ay agad na nagsimula ang trial operations.

Ang bagong free testing center ay karagdagan sa naunang free drive thru testing center na binuksan sa  harap  ng Bonifacio Shrine, katabi ng Manila City Hall, upang maserbisyuhan ang pagdagsa ng mga motorista sa dalawang unang araw ng operasyon. Ang nasabing center ay may kakayahang mag-test ng 200 katao habang ang nasa Quirino Grandstand sa  Luneta  ay kayang mag- accommodate ng hanggang  700 katao.
Ang parehong center ay operational mula Lunes hanggang Biyernes, 8 a.m. hanggang 5 p.m. at pinapangasiwaan ng mga  medical professionals.