December 24, 2024

PANDEMIYA, EXCUSE NG MGA KURAKOT AT PASSWORD NG POLITIKO

Para sa ating mga ordinaryong Filipino, ang pandemiya ay isang delubyo. Subalit isang oportunidad para sa mga kurakot sa gobyerno at paboritong salita ng mga namumulitika.

Bakit ka n’yo? Sa kabila ng pagiging manhid ng mga Filipino sa kahirapan at kagahaman ng mga taga-gobyerno, hindi maikukubli ang paghihikahos dahil likas na mabait at maunawain ang Pinoy at marunong din manggigil sa galit.

Ang mga gahamang nakaikot sa kaban ng bayan, walang habag na nilamon ang hanggang masaid ang biyayang dapat ay pinangsasagip sa mga nagugutom na Filipino.

Sagad sa buto ang kasamaan at kagahamanan ng animal na nagsamantala sa perang nagmula sa buwis na dapat sanang pantugon sa milyon-milyong pinoy na pinahihirapan pa makakuha lamang ng kakarampot na halaga mula sa gobyerno.

Ang pandemiya, ang salitang sobrang gasgas na sa bunganga ng mga pulitikong kunwa’y nagmamahal at nagmamalasakit sa ating mga Filipino. Sobra na nga ba ? Dapat na nga bang magbawas ng kabaitan ang mga Pinoy?

Tangkilikin natin ang mga tunay na nagmamahal sa sambayanang Filipino at hindi ang mga buwayang sinasakmal ang bawat maamoy na makabubusog sa kanila sa mga pulitikong gahaman.

Sa dalawang taon ng paghihikahos nating mga Filipino dahil sa pandemiya, garapalan tayong ginamit at ginutom ng mga buwaya sa gobyerno. Marami na ang namatay dahil sa sakit. Hindi natugunan ng gobyerno ang pangangailangang medikal sa kabila ng bilyong pisong pondong inilaan dito.

Walang habas at walang awang ipinamigay at pinagpasasaan ng mga sangkot sa krimen ng pagnanakaw, binusog ang mga dayuhang walang kahirap-hirap na matanggap ang bilyong piso na dapat sa ating mga kababayang nagugutom.

Nang mabuko sa Senado, ipinagtatanggol sa Palasyo hindi sa korte. Ang kawawang Pinoy hindi man lamang pinakitaan ng malasakit at awa. Napakagaling naman ng pamunuang pinagtiwalaan at iniluklok ng labing anim na milyong Filipino.

Walang awa at walang konsensiya. Unti-unti ninyong pinapatay ang sambayanang Filipino. Ang pondong dapat ipinamimigay sa mga naghihirap na Filipino ay pinangtustos sa kapritso ng mga gahaman.