MATAPOS ibasura ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa panibagong prangikisa ng House of Representatives, may payo si Vice President Leni Robredo sa mga Pinoy na nabigo sa naging desisyon ng mga mambabatas: Tandaan ang kanilang mga pangalan at panagutin.
Ayon sa Vice President, ang naging hakbang ng mga mambabatas – lalo na itong 70 na bumoto pabor sa resolusyon ng binuong technical working group na nirekomendang huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN – ay sapat ng dahilan para maging matalino ang publiko sa kanilang mga desisyon.
“Kaya’t tandaan natin ang nga pangalan ng kongresista at opisyal na tumaliwas sa ating mga paniniwala upang mapanagot sila gamit ang mga prosesong pangdemokrasya; tandaan din natin ang mga kahanay natin, upang maisulong at bigyang-lakas pa ang mga tulad nila,” dagdag pa niya.
May mahigpit na paalala rin siya sa mga mambabatas na tumangging bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN:
“Malinaw ang mga aral ng kasaysayan: May kabayaran ang bawat pagmamalabis. May hangganan ang anumang paniniil. Darating ang araw ng pagtubos, at magbubukal ito sa atin mismo,” paliwanag ni Robredo.
“Kailangan nating patuloy na manalig, magbuklod, at pumalag. Bawat pahayag, bawat pagkilos ngayon ay may ambag sa mahabang proseso upang maabot ang lipunang tunay na malaya at makatao,” saad pa niya.
Sinabi ni Robredo na magkakaroon ito ng masamang epekto sa mga desisyon ng editoryal ng iba pang mga media outlet, dahil tila ang mga tumututol sa mga patakaran ng gobyerno ay itinuturing na mga kaaway ng estado.
“Ang mensahe: Kapag hindi tayo sumang-ayon nang buong-buo sa kanila, kalaban nila tayong ituturing,” aniya.
“Nakakalungkot isipin ang landas na piniling tahakin ng Kamara, imbes na pagtuonan ang pagbabantay sa maayos na implementasyon ng mga programa laban sa COVID,” saad ni Vice President.
“Ang hirap tanggapin na lahat ng ito ay nangyayari habang lahat tayo’y nakikipagbuno pa rin sa hirap at pangambang dulot ng COVID-19. Solusyon sa pandemya, sa pagkawala ng trabaho, at sa gutom ang hinihiling ng Pilipino. Pero pananakot, pagbawi ng kalayaan, at dagdag na panggigipit ang pilit sa ating ihinahain,” dagdag pa niya.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA