May 17, 2024

GARBAGE COLLECTOR NAALIMPUNGATAN, KASAMA TINARAKAN

NASA malubhang kalagayan ang isang garbage collector matapos saksakin ng kanyang kasama na umano’y naalimpungatan makaraang gisingin ng biktima para humingi ng pambili ng sigarilyo sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Ginagamot sa MCU hospital sanhi ng tinamong saksak sa katawan si Sonny Lingon, 27, ng Aguilar St., Bargy. 139.

Nahaharap naman sa kasong frustrated homicide ang suspek na si Efren Donaire, 47, garbage collector ng 17 G. De Jesus St., Brgy., 138.

Ayon sa pulisya, dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa Gen. Tino St. corner Loreto St. Brgy 85, Caloocan City.

Lumabas sa imbestigasyon, natutulog ang suspek sa naturang lugar nang gisingin ng biktima para humingi ng pambili ng sigarilyo. Nagalit ang suspek at bigla na lamang inundayan ng saksak sa katawan ang biktima na isinugod ng kanyang pamilya sa nasabing pagamutan habang naaresto naman ng rumespondeng mga pulis si Donaire.