SAN MATEO, NORZAGARAY, BULACAN β Nagkaisa ang mga backyard hog raisers mula sa San Mateo, Norzagaray, Bulacan kasama ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) at National Federation of Hog Farmers (NatFed) sa isang rally ngayong Miyerkules upang ipanawagan ang proteksyon at suporta para sa lokal na industriya ng pagbababoy.
Binigyang-diin ng grupo na ang tradisyunal na backyard hog-raising ang pangunahing pangkabuhayan ng maraming pamilya sa kanilang komunidad.
Gayunpaman, lubhang nabawasan ang kanilang hanay mula sa humigit-kumulang 2,000 pamilya ng backyard hog raisers sa San Mateo, bumagsak na ito sa mas mababa sa 1,000 pamilya na lamang.
Ang marahas na pagbaba na ito ay isinisisi sa mababang farmgate prices at sa patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon.
Dahil dito, pormal na nanawagan ang SINAG, NatFed, at ang mga lokal na hog raisers sa pamahalaan na agad ibalik ang dating pork tariff upang maprotektahan ang lokal na merkado, pansamantalang i-suspend ang karagdagang pag-aangkat ng karne ng baboy, at bigyang-priyoridad ang lokal na industriya ng pagbababoy upang matulungang makabangon ang mga lokal na magsasaka at pamilyang nakadepende rito.
