November 3, 2024

Panalangin at agarang tulong sa mga taga- Cagayan Valley, dapat makarating

Magandang araw sa inyo mga Ka-Sampaguita. Nawa’y nasa mabuti po kayong kalagayan.

Nakapagdulot ng hapis sa ating mga kababayan ang nagdaang linggo. Papaano ba naman kasi, binayo tayo ng malalakas na bagyo.Isa na nga rito ang Ulysses. Grabe ang ginawa nitong pinsala. Ang tindi ng dalang ulan at bugso ng hangin.

Kaya naman, nalubog sa baha ang ilang lugar sa ating bansa. May nasirang ari-arian at nawalan ng kabuhayan. Ang masakit, may nawalan ng buhay.

Naapektuhan ang Metro Manila, Region 4, Region 5 at Region 3. Subalit, ang nakatatawag pansin sa ngayon ay ang malubhang pagbaha sa Region 2.

Partikular sa Cagayan Valley at Isabela. Na hanggang ngayon, lubog sa baha ang kapatagan. Kaya, nagmistulang dagat ang pamayanan doon.

Kalunos-lunos ngayon ang kalagayan ng ating mga kababayan doon. May mga namatay. Kaya humihingi sila ng saklolo sa gobyerno.

Ayon sa ulat ng mga natanggap natin  mula sa residente at kaibigan, lubog sa 15 metro ang Cagayan. Na hanggang sa ngayon habang tinitipa natin ang suplemento sa pitak na ito ay hindi pa rin humuhupa. ‘O bumababa ang lebel ng tubig.

Ito aniya ang isa sa pinakamalubhang baha na naranasan nila. Hindi nakapagtataka kung bakit lumubog sa baha ang nasabing bayan. Isa ito sa nagkakanlong ng isa sa largest dams sa bansa na Magat Dam.

Ang naturang dam ay nagsusuplay ng enerhiya o elektrisidad sa Metro Manila. Nagpakawala kasi ng tubig ang Magat, kaya nakadagdag ito sa pagtaas ng tubig. Malakas din ang current nito na peligroso sa buhay ng mga taga-roon. Dahil dito, inihinto muna ang isinasagawang rescue operations.

Bukod dito, umapaw na rin ang longest river sa bansa na Cagayan River. Kaya, lalo pang lumaki ang pagtaas ng tubig.

Kung kaya, lubog sa baha ang pamayanan sa bulubunduking lugar. Kawawa tuloy ang mga kababayan natin doon. Hindi dapat ipagpaliban ang tulong sa Cagayan at Isabela.Isa rin sa dahilan ng pagbaha at landslide ay ang illegal logging.

Kung saan, ang matitibay at matitikas na puno na kayang supsip nmalaking volume ng tubig-baha— yun ang pinuputol.’Yung mga natitirang puno, kung nakasisipsip man, hindi ganun katindi.

Kung nasasaklolohan ng ating gobyerno ang ilang lugar na naapektuhan ng kalamidad, dapat ay ayudahan agad ang mga taga-roon at mga taga-Isabela.

Isa ang Cagayan sa ‘largest rice suppliers’ sa Pilipinas. Kaya, kailangan agad ang tulong. Ipanalangin natin ang mga taga-roon na mapagtiisan nila ang pagsubok at kalagayan. Hanggang sa dumating ang tulong.

Panginoong Diyos, iligtas Mo po ang mga kababayan naming sa kalamidad. Manatili silang buhay. Kailangan naming ang Iyong tulong.”