November 23, 2024

Pamahalaan nagsumite ng sagot sa ICC hinggil sa criminal cases dulot ng war on drugs

KINUMPIRMA ni Solicitor General Menardo Guevarra na nakapaghain na ng sagot ang Republika ng Pilipinas sa utos ng International Criminal Court hinggil sa imbestigasyon sa sinasabing ‘crimes against humanity’ ng pamahalaan na kaakibat ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa SolGen sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas, inihain sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands ng Gobyerno ng Pilipinas ang tinawag niya na  Observations on the Request of the Office of the Prosecutor to Resume the Investigation sa sitwasyon ng Pilipinas alinsunod sa mga itinatakda ng mga probisyon ng Rome Statute.

Sa naturang kasagutan sa Pre-Trial Chamber ng ICC, hiniling ng pamahalaan na huwag katigan ang hiling ng Office of the Prosecutor na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa sinasabing crimes against humanity sa gitna ng war on drugs ng dating Pangulong Duterte mula July 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019 kasama na rin ang sa Davao Region mula November 1, 2011 hanggang June 30, 2016.

Naglahad rin ng tatlong argumento ang Gobyernong Pilipinas para matigil ang ang nasabing imbestigasyon ang ICC:

Hindi na  saklaw ng kapangyarihan ng ICC ang sitwasyon sa Pilipinas lalo na at ang sinasabing mga insidente ng pagpaslang ay hindi angkop sa tinatawag na crimes against humanity, wala ring nagaganap na pag-atake sa mga inosenteng sibilyan;

Ang sitwasyon sa Pilipinas ay hindi rin pasok sa Article 17 ng  Rome Statute dahil iniimbestigahan na at inuusig ng tamang ahensiya ang mga criminal case na idinulog sa ICC;

Sa ilalim  ng umiiral na proseso o state complementary principle, kailangan muna ang state-level proceedings kung kaya hindi kailangang ituloy ang pagdinig ng Office of The Prosecutor  sa sitwasyon ng Pilipinas.

Naglakip din ng information ang pamahalaan na nagpapatunay na nagsagawa ng imbestigasyon sa drug-related killings mula 2011 hanggang 2016 sa Davao Region.

Ipinaliwanag din ng Gobyernong Pilipinas sa ICC Pre-Trial Chamber ang malala at malawak na problema ng bansa  sa illegal drugs at ang proseso ng imbestigasyon at pag-usig alinsunod sa legal and judicial system ng bansa.

Ang Republika ng Pilipinas ay kinatawan o nirepresenta ni Solicitor General Menardo Guevarra sa mga kasong isinampa sa International Criminal Court.