December 24, 2024

PAMAHAHALA SA PROVINCIAL JAILS ILILIPAT SA BJMP (Dela Rosa umani ng suporta sa mga gobernador)

NAKAKUHA ng suporta si Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa mula sa mga gobernador ng iba’t ibang lalawigan sa kanyang panukala na ilipat sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pangangasiwa sa mga provincial at sub-provincial jails sa bansa.

Nagsagawa ng public hearing kahapon si Dela Rosa, Chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, upang talakayin ang ilang batas na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 6975 o mas kilala sa tawag na Department of Interior and Local Government (DILG) Act of 1990’  na naglalayong ilipat ang pamamahala at pangangasiwa ng provincial jails sa BJMP.

Sa pagdinig, tiniyak ng mga provincial chief executives kay Dela Rosa na susuportahan nila ang naturang hakbang gayung matagal na raw dapat itong ginawa. Pabor sila na mas mahahawakan ng maayos ng BJMP ang kulungan sa bansa sapagkat kumpleto sila sa gamit at mayroon din itong kasanayan.

“Personally, I am very very supportive of this bill. Ang tanong ko nga lang dito, bakit ngayon lang ito? Dapat noon pa ito,” ayon kay Agusan del Sur Governor Santiago Cane Jr.

“Sa lahat po ng authors ng bill na ito, I have waited for this bill for the longest time. Kasi nga po it is not easy to manage a provincial jail na siksikan yung facilities namin dito. Nung dumating yung Covid19, ang pinakauna kong concern yung provincial jail namin kasi nga it has already more than doubled its capacity, so yung social distancing talagang di mo maiwasan,”  dagdag pa ni Cane.

Sa kasalukuyan kasi, tanging ang mga municipal, city at district jails lang ang nasa pangangasiwa ng BJMP, at naiiwan sa mga provincial government ang pamamahala sa mga provincial at sub-provincial jails.

Pinuri naman ni Zamboanga del Sur Governor Victor Yu sa may akda ng panukala kung saan sinasabi nito matagal na niyang inaasam na ilipat ang pamamahala sa kanilang mga kulungan sa BJMP.

 “Actually I already requested last year pa na ma-manage ng BJMP yung provincial jail namin because my observation, Mr Chairman, mas maganda yung management ng BJMP kasi very professional unlike here in our province na yung warden hindi ganoon yung focus nila. We cannot say that management is bad, but in enforcing the law sa mga jail, especially sa pag-guard, medyo mas better yung sa BJMP…Gaya ng sinabi ko, full support ako dito,” ani ni Governor Yu.

Ayon kay Dela Rosa, ang hiwa-hiwalay na jail service sa Pilipinas ay nagreresulta sa kahirapan na bumuo ng isang national standard sa operational management ng lahat ng local jails sa bansa.

Aniya, kadalasan ay hindi binibigyang prayoridad ng mga probinsya ang pangangasiwa sa mga kulungan sa kanilang lugar, kaya naiiwan sa kalunos-lunos na estado ang mga provincial jail gaya ng pagiging overcrowded at madumi.

Gayunpaman, nagpahayag ng pagtutol sa naturang panukala ang Association of Provincial Jail Wardens, dahil sa pangamba na maaaring hindi sila maging qualified para ma-absorb bilang empleyado ng BJMP sakaling maisabatas ang naturang panukala.

Tiniyak naman ng BJMP, na kukunin nila ang mga kwalipikadong empleyado ng mga provincial at sub-provincial jails, habang hinikayat naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na i-absorb ang mga hindi makukuha ng BJMP.