May 6, 2025

Palasyo: Mas mataas na ranking ng Pilipinas sa Press Freedom Index, patunay na hindi diktador si Marcos Jr.

MAYNILA — Itinuturing ng Palasyo bilang patunay ng respeto sa kalayaan sa pamamahayag ang pag-angat ng Pilipinas sa World Press Freedom Index ngayong taon, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro nitong Lunes.

Sa inilabas na ulat ng Reporters Without Borders noong Mayo 2, tumaas ang ranggo ng Pilipinas sa ika-116 na pwesto mula sa ika-134 noong nakaraang taon sa hanay ng 180 bansa—ang pinakamataas na posisyon ng bansa sa mahigit dalawang dekada.

“Magandang balita ito. Ikinatutuwa ng Pangulo ang naging resulta sa press freedom ranking ng bansa,” ani Castro. “Ipinapakita nitong ginagalang ng pangulo ang karapatan sa pagpapahayag at ang responsableng pamamahayag.”

Dagdag pa ni Castro, patunay rin ito na ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hindi umano patungo sa diktadurya.

“Makikita natin na sa kasalukuyan ay umiiral ang press freedom. Kaya malinaw na ang pangulo ay hindi tumutungo sa pagiging diktador,” wika pa ni Castro sa panayam na may halong Filipino.

Muling iginiit ng opisyal ang pahayag ni Marcos noong 2024 na doble-kayod ang administrasyon sa pagsuporta at pagprotekta sa mga mamamahayag.

Samantala, sinabi naman ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) na ang pag-angat ng bansa sa ranking ay tagumpay sa kanilang mga hakbang laban sa banta at karahasan sa mga mamamahayag.

“Ang pag-usad na ito ay patunay ng ating sama-samang pagsusumikap na protektahan ang press freedom. Ipinapakita nito na epektibo ang ating mga inisyatiba,” ayon kay PTFOMS Executive Director Jose Torres Jr.

Gayunman, hindi pa rin nawawala ang mga insidente ng karahasan laban sa media. Noong Abril 29, binaril at napatay sa loob ng kanyang tahanan sa Barangay Andagao, Iloilo City ang beteranong mamamahayag at dating alkalde ng Kalibo, Aklan na si Juan “Johnny” Dayang.

Idineklarang dead on arrival si Dayang sa ospital. Sa ngayon, iniimbestigahan pa ang motibo sa pamamaslang.