Sa klase ng pulitika sa bansa at sa paulit-ulit na eksena ng mga TRAPO, mahirap paniwalaan ang di-umano’y pagkakawatak-watak ng pamilya Duterte.
Inihahalintulad ito sa isang teleserye na sa bandang huli ay magbabati-bati din dahil iisa ang dugong nananalaytay sa kanilang ugat.
Nag-ugat ang usapin sa pagwawatak –watak ng mga Duterte nang pahapyaw na ideklara ng pangulo ang kanyang intensiyon na tumakbong bise presidente ni Senator Bong Go sa darating na pambansang halalan sa Mayo 22, 2022.
Ang pahayag na ito ay nanggaling mismo sa kanyang bibig na matagal niyang itinatwa. At ito’y ayon na din umano sa pagtutulak ng pamunuan ng kanyang political party na PDP-LABAN.
Dahil sa pahayag na ito ni Duterte, marami ang nag-isip na Pinoy. Drama ba ito sa teleserye? Magwawatak-watak nga ba ang mga Duterte dahil sa pulitika? Kasing peligro ng COVID-19 ang pulitika sa bansa. Walang na nga bang remedy dahil lahat gustong tumakbo.
Isang liham ang ipinalabas ni Davao-Mayor Sara “Inday”Duterte hinggil sa pagtakbo ng pangulo bilang bise ni Sen. Bong Go. Paghingi ng tawad sa kanyang ina dahil sa gulo at di pagkakasundo ni Digong at Sara. Hindi aniya tama na siya ay gamitin sa drama ng pulitika ng kanyang ama.
Sa aking palagay mga Cabalen, ito ay kahalintulad lamang ng sinasabing pagkakawatak-watak ng mga Binay sa Makati. Tumakbong mayor si Jun-jun Binay at Abby Binay, palabas na nagkatampuhan, bandang huli Binay pa rin ang panalo. Sacrificial lamb ang ilang pulitiko na kumampi sa isang Binay. Pagtapos ng laban Binay pa rin ang humahawak sa Makati.
Kayo ang humusga mga Cabalen sa dramang ito. Dahil sa simula pa lamang ay hindi na nagpakatotoo si Duterte. Kung inyong matatandaan hindi siya nag file ng candidacy bilang pangulo.
Matatandaang ang nag-file ng pagka-presidente ay si Usec Martin Dino, subalit hindi raw siya tinanggap ng COMELEC dahil sa siya ay nuisance candidate. Habang si Duterte na noon ay Mayor ng Davao na inaalok na ng partido na tumakbong presidente subalit hindi pa nagpapasya. Ibig sabihin hinanda ng PDP-LABAN ang posisyon at ginamit si Dino, sakaling magdesisyon ang mayor.
Ngayon po mga Cabalen, nangyayari na naman ang pagka-salamangkero ng mga Duterte at PDP-Laban. Isang senaryo na naman po ito.
Abala sila sa kanilang pagtakbo at sino ang kanilang kasama sa partido, habang libo-libo na namamatay dahil sa COVID-19, maraming Filipino ang nangangailangan ng ayuda dahil sa bagsak na ekonomiya. Pero ang masaklap pulitika ang mas matimbang sa kanila.
Kawawang-kawawa na ang Pinoy. Sana magtanda na tayo, mga Cabalen. Huwag na nating ipamana ang kabulukan sa gobyerno sa ating mga anak at apo.
More Stories
PAGPASA NG P3.5 BILYONG BUDGET NG MARIKINA, NAAYON BA?
MGA MAYOR SA RIZAL SUPORTADO SI CHAVIT SINGSON
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE