November 3, 2024

Pairalin ang pang-unawa’t konsiderasyon sa gitna ng pandemya

Isang magandang araw na naman pong muli sa inyo, mga Ka-Sampaguita. Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan.

‘Ber’ months na. Sadyang kay tulin ng araw. Heto’t ang karamihan sa atin ay nakaraos sa araw-araw.

Batid naman natin ang hamon at ang ating pakikibaka sa COVID-19. Na inilugso nga ang ating pag-asa. Inilugmok ang ating diwa’t kamalayan.

Pare-pareho tayong naapektuhan. Mahirap man o mayaman. Gayunman, dapat nating ipagpasalamat sa Diyos na buhay pa tayo.

Walang mahalaga sa lahat, kundi ang ating buhay. Ang ating pag-asa’t pananampalataya’t pag-ibig. Aanhin natin ang yaman sa mundo kung walang pag-ibig.

Gaya nga ng tinuran ni haring Solomon, mapasayo man ang lahat dito sa mundo, mababatid mo na wala pa lang kabuluhan ang lahat.Lalo na kung ang isang tao’y malapit na sa dapithapon ng kanyang buhay. Kaya, dapat nating ipamalas sa ating kapwa ang pagmamahal.


Pang-unawa’t konsiderasyon sa gitna ng pandemyang ito. Magtulungan tayong upang makabangon ang bawat isa.
Batid natin, mga Ka-Sampaguita, sa tulong at awa ng Diyos, malalampasan natin ito. Maayos din ang buhay natin bago matapos ang taong ito.
Magtiwala tayo sa malapit nang mabanaag na pag-asa. Mahalin natin ang bawat-isa, ang bayan at ang kalikasan. Adios Amosekos.