Desidido ang tatlong mambabatas na talupan ang umano’y illegal na pagsibak at delayed na pasahod sa mga driver at konduktor ng bus na nagbigay ng libreng sakay sa EDSA Carousel.
Inihain ang panukalang House Resolution 52 nina Gabriela Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Rep. France Castro at Kabataan Rep. Raoul Manuel na humihiling sa House Committee on Transportation at House Committee on Labor and Employment na maglunsad ng imbestigasyon sa umano’y atrasado ang pasahod sa mga tsuper at driver ng EDSA Carousel at ilan sa kanila ay tinanggal pa umano matapos lumahok sa kilos protesta.
Tinukoy sa resolusyon ang protesta ng mga bus driver at konduktor noong Pebrero 2 sa tapat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nananawagan na ibigay na ang kanilang sahod na umaabot umano sa P20 milyon sa ilalim ng Libreng Sakay program.
Ang natatanggap rin umano ng mga driver at konduktor ay nasa 23% lamang dahil kinukuha umano sa kanila ang dagdag na gastos sa diesel.
Sa ilalim ng LTFRB Memorandum Circular 2021-029, 30% ng pondo para sa service contracting program ay mapupunta sa mga driver at konduktor samantalang ang nalalabing 70% ay para sa operator, diesel at maintenance ng sasakyan.
Sinabi rin sa resolusyon na mayroong mga driver at konduktor na sinibak matapos magsagawa ng protesta.
Ayon umano sa ES consortium naalis ang mga driver at konduktor dahil kulang ang kinikita ng kompanya sa kabila ng P7 bilyong inilaan ng gobyerno para sa service contracting program, sabi sa resolusyon.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA