May 14, 2024

Pagmomonitor sa mga pasaway na foreign vessel, hinigpitan ng Customs

DAHIL sa mga pasaway na foreign vessel o barko, pinaigting ng Bureau of Customs katuwang ang Philippine Coast Guard ang pagbahantay sa mga pantalan at karagatan na saklaw ng teritoryo ng Pilipinas.

Layon nito na makontrol ang pagpasok ng mga kontrabando at mga produktong walang permiso mula sa Bureau at kinauukulang ahensiya ng bansa.

Kaugnay nito, limang foreign vessels of interest o VOIs ang nakitang nag-boarding, gayunman, nakumpirma  na sumusunod sa panuntunan at regulasyon ng pamahalaan ang limang foreign vessels na kinabibilangan ng mga sumusunod:

1) MV PASCHALIS

2) MV PITSA D

3) MV DONG YANG

4) MV ZHONG XING MEN

5) MV ETERNAL LUCK

Nabatid na nagkaroon ng deviation sa kanilang paglalayag ang limang foreign vessels dahil nabalam ang schedule, nabalam ang approval ng mga tripulante, port congestion at ang hindi inaasahang pagbabago ng panahon

Pinaliwanag ng BOC na nagiging vessels of interest o VOIs ang mga dayuhang barko dahil sa hindi pagsunod sa orihinal na navigational path  katulad nang paglalayag na malayo sa normal nilang operasyon,  biglang pagbabago ng destinasyon, pagdidiskarga ng mga kargamento at sadyang pinapatay ang identification system upang hindi ma-detect o matunton.

Dahil dito, nagpatupad ng ibayong paghihigpit ang BOC sa pamamagitan nang pag-renew sa memorandum of agreement o MOA  sa PCG na linagdaan noong July 14, 2020, na ang layon mag-bahagi o sharing ng intelligent at joint operations sa maritime areas ng bansa.