Kasunod ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang probinsiya dulot ng Bagyong Ulysses, ibinintang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mahihirap na pamilya ang pagkaubos ng mga puno sa bansa.
Sa isang briefing kasama ang mga opisyal ng Gabinete nitong Martes ng gabi, sinabi ni Duterte na pinuputol ng mahihirap na komunidad ang mga puno at ginagamit ang kahoy sa pagpapatayo ng kanilang bahay at ito aniya ay nagiging sanhi ng deforestation o pagkakalbo ng kagubatan.
“‘Yong average Pilipino, they cannot afford a concrete house so halos lahat dyan, let us use the word being understood by all, ‘yang mga squatters, puro kahoy ‘yan. Bibili ‘yan including coconut wood,” saad niya.
“Ang problema niyan sa bukid talagang magpuputol ‘yan ng kahoy because ang mga Pilipino, ‘yan lang. Saan naman sila kukuha ng semento? Where do they cut the trees? In Canada? Or pupunta pa sila sa South America o Africa? So kung anong makita nilang nabibili sa small-scale… karamihan ‘yan ang ginagawang bahay ng mga tao,” dagdag pa niya.
Sabi ng Pangulo, tumataas ang pangangailangan na magsibak ng puno habang taun-taong nadaragdagan ang populasyon ng bansa.
“Magtatayo ng bahay and the temptation to cut the trees and bring it there to the lower land ay really to build houses kaya ‘di yan mawawala,” saad niya.
Samantala, sinabi rin ni Duterte na hindi rin niya alam ang gagawain para malutas ang problema sa illegal logging.
Una rito, inatasan ng Pangulo ang Department of Environment and Natural Resources na imbestigahan ang illegal mining at logging activities sa Cagayan Valley matapos lubugin ng baha ang ilang bahagi ng rehiyon dahil sa malakas na pagbuhos ng ulad na hatid ni Ulysses.
Sinabi ni Duterte na ang pagmimina ay pinalalambot ang lupa, nadaragdagan ang mga posibilidad ng landslide, lalo na kapag may bagyo.
Una na rin sinabi ng Presidente na magpapatawag siya ng imbestigasyon kaugnay sa quarrying operations na inirereklamo ng mga residente sa Guinobatan, Albay matapos hagupitin ng Super Typhoon Rolly ang lalawigan.
More Stories
BAGONG TATAG NA TARLAC CHAPTER & GYM KAAGAPAY SI SIKARAN OFFICIAL MASTER CRISANTO
Bagong gym, binuksan sa Navotas
PAGPAPALIBAN SA BARMM ELECTIONS, PINAG-AARALAN NA – PBBM