November 3, 2024

PAGGUNITA SA IKA-160 TAONG KAARAWAN NI GAT JOSE RIZAL

Ngayong ay ika-19 araw ng Hunyo at ang unang tumatatak sa isipan mo si Gat Jose Rizal . Isang hindi karaniwang araw para sa ating mga makabayang Pilipino.

Sapagkat ginugunita at ipinagdiriwang ngayon ang ika-160 taong kaarawan ng kanyang pagsilang.

Si Rizal ay isang dakilang Asyano, isang henyo ng kanyang mga kababayan. Isang diyamante na hinango sa kanyang lupang tinubuan. Hindi karaniwan ang kanyang taglay na karunungan.

Isang nobelista, makata, eskrimador, optalmologo, pisisyan, repormista at aghamista. At marami pang iba na ipinagkaloob sa kanya ng Lumikha.

Naging pamana sa atin ni Rizal ang pagpukaw sa damdaming makabayan. Ang pagiging nasyonalismo. Ang kanyang dalawang nobela na Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang pumukaw sa damdamin ng ating mga kababayan.

Kung kaya sumiklab ang nag-aalab na puso sa paghahangad na maasam ang kalayaan sa dayuhan. Hinangad na wakasan ang kolonyalismo ng Kanluran sa ilalim ng Espanya.

Dili-dilihin natin ang kanyang ginawa. Kung walang isang Rizal, saan na kaya tayo? Ano na ang kinasadlakan ng ating Inang Bayan?

Dahil sa kanyang tapang sa panulat, inusig siya ng Espanya. Hanggang sa hatulan ng kamatayan. Sapagkat ayaw nilang may isang Indio na mas marunong pa sa kanila. Samakatuwid, kalaban si Rizal ng mga tiwala, abusado at nagmamalabis sa kapangyarihan.

Kaya, nararapat lang na gunitain natin ang kanyang kapanganakan at mga naiambag sa bayan. At sa kapwa Pilipino na pinag-alayan niya ng buhay makamtan lang ang kalayaan.