NAGBABALIK ang PITAK FILIPINO. Naantala ang inyong lingkod sa pagbabahagi ng mga kaalaman dulot ng mga nagdaang seminar-workshops, masterclass, at conferences na may kinalaman sa pagtuturo kabilang na ang Revised K-10 Curriculum ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Ang detalye sa mga trainings ay ating ibabahagi sa mga susunod na artikulo.

Ngayong 23 Hulyo 2025 Miyerkoles ay ginugunita ang ika-161 taong kapanganakan ni APOLINARIO MARANAN MABINI. Siya ay isang Pilipinong pinuno ng rebolusyonaryo, edukador, abogado, manunulat, at politiko. Nanilbihan siya bilang tagapayo sa konstitusyon ng pamahalaang rebolusyonaryo at naging unang Punong Ministro (1899) ng Unang Republika ng Pilipinas (1899-1901). Kinikilala siya bilang ‘Utak ng Himagsikan’ at pambansang bayani ng Pilipinas. Ang kanyang mga pananaw at nagawa ang humubog upang ipaglaban ang kasarinlan ng bansa. Ang paggunita ay pangungunahan ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (National Historical Commission of the Philippines o NHCP, itinatag 1933). Magkakaroon ng pag-aalay ng mga bulaklak sa kanyang mga dambana.
Narito ang Anim (6) na Mahahalagang Impormasyon patungkol kay Mabini:
01. Pinagmulan. Isinilang si Mabini noong 23 Hulyo 1864 Sabado sa Barrio Talaga, Tanauan, Batangas. Siya ang ikalawa sa walong anak nina Dionisio Magpantay Maranan, tindera sa palengke ng Tanauan, at Inocencio Leon Lira Mabini, magsasaka.
02. Edukasyon. Nag-aral si Mabini sa pribadong paaralan ni Padre Valerio Malabanan sa Lipa. Bagamat mahirap ay nabigyan siya ng pagkakataong makapag-aral dahil sa kanyang akademikong merito na walang binabayarang matrikula. Nakatagpo niya si Miguel Malvar (1865-1911) habang siya ay nag-aaral sa Lipa. Si Malvar ay magiging heneral at pinuno ng rebolusyonaryo sa hinaharap.
Nakatanggap si Mabini ng iskolarship sa Colegio de San Juan de Letran (itinatag 1620) noong 1881. Sinasabing pinili siya ng propesor dahil sa kanyang kupas na kasuotan na nagpapakitang siya ay mahirap. Subalit napahanga niya ang propesor dahil nasagot ni Mabini ang mga mahihirap na tanong na ibinigay sa kanya. Madalas si Mabini ay nagkukulang ng pondo, kung kaya’t siya’y nagtuturo bilang tutor upang matugunan ang kanyang mga pangangailangan.
Nais ng kanyang ina na siya ay maging pari. Subalit ibig ni Mabini na maging abogado upang matulungan ang mga mahihirap na kababayan kung kaya’t siya’y kumuha ng kursong abogasya. Matapos matanggap ang Bachiller en Artes na may mataas na karangalan at titulo bilang Propesor ng Latin sa Letran, lumipat siya ng Unibersidad ng Santo Tomas (itinatag 1611) noong 1888 at tinapos ang degree sa pagkaabogado noong 1894.
03. Pagiging Intelektuwal. Ayon kay Nick Joaquin (1917-2004), Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikang Ingles, isa si Mabini na may mataas na pananaw tungo sa pag-unlad ng pamamahala sa bansa. Kung ihahambing kay Jose Rizal (1861-96) na ang pakikipaglaban, edukasyon, at hanapbuhay ay naisagawa sa Europa, lahat ng pagaaral at pagsasanay ni Mabini ay ginawa sa sariling bansa. Ang argumento kay Rizal na ang mga Pilipino ay hindi pa handa sa pamamahala ay dahil sa mababang edukasyon at hindi pa kayang bumuo ng pagsasarili. Bilang patunay sa panig ni Mabini na maaaring makamit ang pamamahala kung ang edukasyon ay natamo sa sariling bansa. Dagdag ni Mabini, hindi kailangan ang anumang tulong o magpalakas sa Espanya o Europa upang mapaunlad ang bansa.
Naging kasapi si Mabini sa Samahan ng mga Abogado matapos ang kanyang pagtatapos. Subalit hindi niya nagamit ang tungkulin sa propesyonal na kapasidad. Hindi siya nagkaroon ng sariling tanggapan, sa halip ay ipinagpatuloy ang pagtratrabaho sa tanggapan ng pampublikong notaryo.
Ginamit ni Mabini ang kanyang kaalaman sa batas sa panahon ng rebolusyon at digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano.
Ganito ang pahayag ni Joaquin: “His was a legal mind. He was interested in law as an idea, as an idea… whenever he appears in our history he is arguing a question of legality.”
04. Polio at Pagiging Paralisado. Nagkaroon si Mabini ng polio noong 1895, at ang sakit ay unti-unting nagpahina sa kanyang kakayahan hanggang Enero 1896, na ang kanyang mga binti at paa ay hindi na makalakad.
05. Punong Ministro ng Pilipinas. Matapos magbalik si Aguinaldo sa Pilipinas bunga ng pagpapatapon sa Hong Kong noong Mayo 1898, iniutos kay Mabini na bumuo ng isang pamahalaan. Isinulat niya ang kautusan na nagtatag ng Diktaduryang Pamahalaan ng Pilipinas noong 18 Hunyo 1898 Sabado. Matapos ang Konstitusyon ng Malolos, ang pangunahing batas ng Unang Republika, ipinahayag na si Mabini ay itinalagang Punong Ministro at Ministro ng Ugnayang Panlabas noong 23 Enero 1899 Lunes. Pinamunuan niya ang unang kabinete ng republika.
Nasumpungan ni Mabini ang sarili sa mahirap na yugto na kasaysayan ng bansa. Sa panahong ito ay naging mainit ang labanan sa pagitan ng mga Amerikano at Pilipino. Marami sa mga mungkahi ni Mabini kabilang na ang pansamantalang tigil-putukan ay hindi sinang-ayunan. Dahil sa kanyang paniniwalang ang mga Amerikano ay hindi tutupad sa sinumpaan kaugnay sa negosasyon sa nagaganap na digmaan, nagbitiw si Mabini sa pamahalaan noong 07 Mayo 1899 Linggo.

MABINI KAUGNAY SA IKA-160 ANIBESARYO NG KAPANGANAKAN NOONG HULYO 2024
06. Mga Pagkilala. Mahaba ang listahan ng mga pagkilalang ibinigay kay Mabini kabilang na ang mga dambanang itinayo bilang pag-alaala sa kanya: una, ang replica ng kanyang tahanan kung saan siya ay yumao ay matatagpuan sa kampus ng Polytechnic University of the Philippines (PUP, itinatag 1904) sa Santa Mesa, Maynila; at ikalawa ang kanyang mga labi ay inilagak sa dambana sa Barangay Talaga, Tanauan, Batangas.
Dalawang bantayog ni Mabini ay matatagpuan sa War in the Pacific National Historical Park (itinayo 1978) sa Guam.
Apat na munisipalidad sa bansa ang ipinangalan sa bayani: Mabini, Batangas; Mabini, Bohol; Mabini, Davao de Oro; at Mabini, Pangasinan.
Samantala matatagpuan ang Kalye Mabini sa Ermita at Malate na mga distrito ng Maynila.
Ang main campus ng Polytechnic University of the Philippines sa Maynila ay ipinangalan kay Mabini ni Dr. Nemesio Prudente (1926-2008; nanilbihang Pangulo ng PUP 1986-1991) matapos ang reorganisasyon noong 1988.
Ang Gawad Mabini ay parangal na ipinagkakaloob sa mga Pilipinong naglingkod sa ugnayang panlabas ng Pilipinas, at nagtatanghal ng mabuting interes at gawa ng bansa sa ibayong dagat. Itinatag noong 24 Hunyo 1974 ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. (1917-89, naglingkod 1965-86) sa bisa ng Presidential Degree No. 490, s. 1974 bilang pagkilala kay Mabini bilang unang Kalihim ng Ugnayang Panlabas ng Unang Republika ng Pilipinas.
Ang pamahalaan ay nagbibigay din ng Apolinario Mabini Awards para sa mga Pilipinong persons with disabilities na may natatanging gawa.
Maraming beses na ring nailarawan si Mabini sa media: una sa pelikulang El Presidente (2012) na ginampanan ni Ronnie Quizon; ikalawa sa musical “Mabining Mandirigma” nina Delphine Buencamino (2015), Liesl Batucan (2015), at Monique Wilson (2019); ikatlo sa mga pelikulang Heneral Luna (2015) at sequel na Goyo: Ang Batang Heneral (2018) na parehong ginampanan ni Epy Quizon.
Samantala ang NHCP sa pamumuno ni Dr. Maria Serena I. Diokno (naglingkod 201116) ay nakalikha ng dokumentaryong ‘Apolinario Mabini: Talino at Paninindigan’ noong 2016.
Narito ang iniwang pahayag ni Mabini sa mga lingkod bayan: “Ang pamahalaang napakamakabayan ay iyong ang hatid ay kabutihan ng lahat at hindi ng iisa o ng uring nakahihit.”
Maligayang Kaarawan Apolinario Mabini!
