January 19, 2025

PAGDUKOT SA 2 ORGANISADOR NG MANGINGISDA, PINAIIMBESTIGAHAN

HINIMOK ng ilang grupo ang Senado at Kamara na maglunsad ng imbestigasyon sa umano’y pagdukot sa dalawang kababaihang environmental defenders.

Nagsagawa ng fact-finding mission ang Karapatan, Kalikasan People’s Network for the Environment, Alyansa Para sa Pagtatanggol sa Kabuhayan, Paninirahan, at Kalikasan ng Manila Bay (AKAP KA Manila Bay), National Council of Churches in the Philippines, at Promotion of Church People’s Response kaugnay sa pagkawala ng dalawang kababaihang organisador ng mangingisda na sina Jhed Tamano, 22, at Jonila Castro, 21.

Dinukot umano sina Tamano at Castro ng apat na armadong kalalakihan noong Setyembre 2 sa Orion, Bataan.

Si Tamano ay koordineytor ng Community and Church Program for Manila Bay ng Ecumenical Bishops Forum habang si Castro ay isang boluntir para sa AKAP Ka Manila Bay. Ang AKAP KA Manila Bay ay isang network ng mga mangingisda, taong-simbahan, kabataan at iba pang mga sektor na nagtatanggol sa kalikasan, kabuhayan at tahanan na maapektuhan ng proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Matapos ang fact-finding mission, hinimok ng nasabing mga grupo ang Senado at Kamara na magsagawa ng imbestigasyon dahil hinala nila na sangkot ang mga puwersa ng gobyerno sa nasabing pagdukot.

“Malinaw na mayro’ng possible involvement ng state actors sa abduction nina Castro at Tamano,” saad ni Pia Montalban of Karapatan – Central Luzon.

“Bago ang pagdukot, bago ang sapilitang pagkawala, mayro’ng pattern na sila muna ay binabansagan na ‘enemies of the state,’” dagdag pa niya.

Ayon naman kay Karapatan Secretary General Cristina Palabay, ang puwersahang pagdukot ay nangyayari upang patahimikin ang mga hindi sumasang-ayon sa gobyerno.

Kuwento ng ina ni Castro na si Roselie, mayroon daw isang lalaki na nagpakilala na sundalo na bumibisita sa kanilang tahanan sa Bulacan mula pa noong 2022.


Sinabi rin niya na hindi raw pumayag ang ilang tauhan ng Orion Police Station na gumawa ng blotter report at pirmahan ang isang form na ibinibigay sa ilalim ng Anti-Enforced Disappearance Law.

“Kung sino man po ang may hawak sa anak ko, sana po ibalik niyo na po siya,” saad ng ina. “Sana ibalik niyo na po ‘yung anak ko kasi sobra pong nag-aalala na ‘ko sa anak ko.”

Una nang itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police ang pagkakasangkot sa pagdukot sa dalawa, kung saan sinabi ni AFP spokesperson Col. Medel Aguilar na walang basehan at malisyoso ang akusasyon.

Samantala naniniwala naman ang mga miyembro ng Simbahan, na layon ng umano’y pagdukot na maghasik ng takot, lalo na sa mga kabataan.

Ganito rin ang paniniwala ni Leah Valencia, miyembro ng Promotion Church People’s Response.

“Malaking setback ito dahil natatakot ‘yung mga tao, lalo higit ‘yung mga pangyayari ay malinaw na malinaw na violation ng kanilang human rights,” sinabi rin ni Pastor Thaad Samson ng AKAP KA Manila Bay.

Para sa Kalikasan, mapanganib na bansa ang Pilipinas para sa environmentalists.

“Laging napakabulnerable ng kalagayan ng advocates natin, ng mga activists natin, at isa ang Pilipinas sa pinakadelikadong lugar o bansa para sa environmental activists. Bakit? Dahil sa mga aggressive projects na pinapatupad,” wika naman ng miyembro na si Aldrien Silanga.

Sa huling tala, sina Tamano at Castro ay ang ika-9 at ika-10 biktima ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.