November 24, 2024

PAGBABAKUNA SA NAVOTAS, KANSELADO DAHIL SA BAGYO

INIHAYAG kahapon ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na kanselado ang isinasagawa nilang pagbabakuna kontra COVID-19 sa kanilang mga residente sanhi ng pagbaha dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan na dala ng bagyong Jolina.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, kanselado ang pagbabakuna sa Tanza Elementary School at tatapusin na lamang na bakunahan ang mga indibidwal na nasa site na.

Maging ang pagbabakuna sa lahat ng iba pang vaccination sites sa hapon ay kanselado na rin dahil sa hindi magandang panahon.

Paalala ni Mayor Tiangco sa mga residente na manatiling mag-ingat at alerto. Antabayanan aniya ang anunsyo tungkol sa rescheduling at susunod na vaccination schedules.

Samantala, tuloy-tuloy naman aniya ang operasyon ng mga bombastik pumping station sa lungsod para maiwasan ang baha o madali itong mapahupa

Ani alkalde, kailangan di mabarahan ang mga kanal at ang mga bombastik ng basurang basta na lang itinatapon.

“Ang pakiusap po natin sa lahat, lalo na ngayong may mga garbage collectors tayong apektado ng COVID, ilabas lamang ang inyong basura kapag nasa area nyo na po ang garbage truck. Maging responsable at disiplinado po tayo para manatiling ligtas ang lahat,” pahayag ni Tiangco. (JUVY LUCERO)