January 20, 2025

PAGBABAGO SA KONSTITUSYON HINDI SAKLAW NG KAPANGYARIHAN NI PBBM

Walang papel si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa planong baguhin ang Saligang Batas.

Yan ang inihayag ni Senator Robinhood Padilla sa lingguhang forum na Kapihan sa Manila Bay patungkol sa posisyon ni Pangulong BBM na hindi niya prayoridad ang charter change.

Si Padilla,  chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, ay nagsabi rin na hindi dapat makialam ang Pangulo sa pag-amyenda ng Saligang Batas dahil hindi naman ito mandato ng Pangulo ng bansa.

Eksklusibo aniyang tungkulin ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbago sa Saligang Batas.

Sa ngayon aniya ay mahalagang mabago ang economic provision ng 1987 Constitution at bigyan ng pagkakataon na makapasok ang foreign investment sa bansa.

Ginawa na aniya ito ng China, Vietnam, Singapore, Malaysia, Thailand, Cambodia, Indonesia kaya nagkaroon ng progreso, pag-unlad sa  mga  nasabing bansa.

Pinaliwanag pa ni Padilla na hindi na dapat mag-alala ang taumbayan dahil hindi na bago ang pagbago sa Konstitusyon ng Pilipinas, na sinimulan noon pang 1935 Constitution, 1971 na nagibg parliamentary hanggang sa magkaroon ng 1987 Constitution.

Tatlumpo at pitong taon na rin aniya ang nakararaan mula nang mabalangkas ang 1987 Constitution ngunit wala pa ring nabago sa pamumuhay ng mga Filipino, ngayon aniya ay mas maraming mahirap, maging ang battlecry na galunggong ay iniimporta na ngayon. Kung may pera man aniya ang Pilipinas ito ay dahil sa punumpuno na ng utang ang bansa.