Sinamsam ng mga pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng Agoncilio Municipal Police Station kasama ang Regional Intelligence Division Special Operations Unit, Intelligence Division ng Batangas Police Provincial Office at ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nasa tinatayang aabot sa P300 milyon ng mga makina, sasakyan at raw materials na ginagamit sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo sa isinagawang buy-bust operation at magkahiwalay na pagsalakay sa mga bodega at pagawaan ng mga “fake cigarettes” habang tatlumpu’t tatlo katao naman ang mga inaresto kabilang ang walong Chinese nationals na nagsisilbing operators at dalawampu’t limang mga Pilipinong empleyado noong Huwebes ng umaga sa bayan ng Agoncilio sa Batangas.
Ayon sa ulat ni Batangas Police Provincial Director Police Colonel Samson B. Belmonte kay Calabarzon Regional Director Police Brigadier General Paul Kenneth Lucas, unang nasakote ang tatlong hindi pinangalanang suspek makaraang mahuli sa inilatag na buy-bust operation at nakumpiskahan ng mga kahon ng pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng P32,000 at perang nagkakahalaga ng P200,000 at karagdagang 331 kahon ng sigarilyo sa isang bodega sa Barangay Adia.
Sumunod na sinalakay ng mga pulis ang warehouse sa Barangay Pansipit sa kaparehong bayan at narekober ang apat na piraso ng mga makina na ginagamit sa paggawa ng mga pekeng sigarilyo, 30 sako ng pure tobacco at mga gamit sa papagpapakete kasama na ang 341 kahon ng mga iligal na sigarilyo na nagkakahalaga ng P21,858, 200.00 ayon naman sa Bureau of Internal Revenue.
Sasampahan ang mga nahuling suspek ng mga kasong paglabag sa smuggling, illegal trade at iba pang mga kaso sa ilalim ng National Internal Revenue Code.
Samantala nakatakdang pagpaliwanagin ng Agoncilio Local Government Unit ang barangay chairman ng barangay pansipit at ang may ari ng resort na pinaglagyan ng pagawaan ng mga pekeng sigarilyo ayon kay dating Mayor at ngayon ay Vice Mayor Dan Reyes. (KOI HIPOLITO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA