November 5, 2024

PAGAWAAN NG PAPUTOK SUMABOG, 4 PATAY

SUNOG na mga katawan ng dalawang nasawing biktima ang nadiskubre habang dalawa din ang binawian ng buhay sa magkahiwalay na pagamutan makaraang sumabog ang pagawaan ng paputok sa Barangay Bigaa, Cabuyao City, Laguna, nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang mga biktimang nasawi sa malakas na pagsabog na sina John Ronald Deduro, 23, na tubong Mulanay, Quezon, 2. Marvin Ocom, 27, Ricardo Olic Olic, 51, at si Bebot Remundodia, pare-parehong nagtatrabaho sa pagawaan ng paputok sa nasabing lugar.

Ayon sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Chitadel Gaoiran, na ipinadala ng Cabuyao City Police Station, dakong alas-3:30 ng hapon nang bigla na lamang umanong nakarinig ng malalakas na pagsabog ang mga residenteng malapit sa lugar ng insidente.

Nagkabasa-basag din ang mga salamin ng ilang kabahayan na malapit sa nasabing pagawaan ng paputok.

Naging maagap ang mga residente para tulungang makalabas ang mga biktimang humihingi ng tulong at mabilis ding rumesponde ang mga kagawan ng Cabuyao City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Bureau of Fire Protection at Cabuyao Component City Police Station.

Idineklaraeg fire out ang sunog bandang 5:47 ng hapon.

Nadiskubre sa lugar ang mga katawan na sunog ng dalawang biktimang sina Deduro at Ocom, habang binawian ng buhay sa Global Hospital si Olic Olic at sa Philippine General Hospital naman nalagutan ng hininga si Reymundodia habang nilalapatan ng lunas.

Ayon naman kay Cabuyao City Mayor Dennis Hain, legal at may mga dokumento ang pagawaan ng paputok at magbibigay din umano ng tulong ang Cabuyao LGU’s sa mga biktimang nasawi at nasugatan at nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa posibleng pinagmulan ng nangyaring malakas na pagsabog at sunog. (KOI HIPOLITO)