November 19, 2024

‘Pag natuloy impeachment vs Sara… DIGONG BABALIK SA POLITIKA

INILAHAD ni Vice President Sara Duterte na susuportahan ng pamilya ang anumang desisyon ng kanyang ama na si dating President Rodrigo Duterte, kung mapagpasyahan nito na bumalik sa politika.

Inilabas niya ang kanyang pahayag matapos sabihin ng nakatatandang Duterte sa kanyang programang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” sa SMNI News, na posibleng bumalik siya sa politika sakaling mapatalsik sa posisyon ang kanyang anak na si Sara.

“Kapag ginawa ninyo ‘yan, babalik ako sa politika,” ayon sa dating Pangulo.

“It’s either I run for Senator or I will run for Vice President maski matanda na ako. Kung si Inday, ang mag president okay lang. Simple lang naman ‘yan,” sabi pa nito.

Ito ay matapos kuwestiyunin ni Duterte ang mga nasa likod ng tangkang pagpapatalsik kay VP Sara.

Sinabi nito na bago pa man ang impeachment, tinatanong na ang tungkol sa intelligence fund nito.

“You cannot go to a guessing game, basta na lang i-impeach. For what? Intelligence fund? Binigay sa iyo eh, bakit ibigay sa akin kung di ko gastusin?” ayon pa sa dating pangulo.

Ayon pa kay Duterte, hindi na kailangang mangamba ang ibang pulitiko sa kanya sa ngayon subalit posible umanong matuloy ang kanyang plano kahit pa retirado na ito.

“When I begin to talk— election is just around the corner— talagang magkababuyan. I do not lose anything, I’m retired,” ayon pa rito.