Pinuri ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang naging mapayapa at organisadong pagkilos ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) na nagtipon-tipon nitong nakaraan sa Freedom Park sa Luneta.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ng alkalde na bagama’t malaki ang bilang ng mga nakibahagi at marami ang nanatili magdamag para sa kanilang programa, walang naging anumang untoward incident at naging huwaran ang grupo sa pagpapanatili ng kaayusan.
“Sa totoo lang, kapag INC ang nag-rally, wala akong kakaba-kaba,” pahayag ni Mayor Isko.
“Katulad ng huli nilang ginawa dito, kahit milyun-milyon sila roon, pag-alis nila, walang biro—malinis ang lugar. Napakadisiplinado ng mga kapatid.”
Nilinaw rin ng alkalde na hindi na kinailangan ng grupo na kumuha ng permit mula sa City Hall dahil idinaos ang pagtitipon sa isang itinalagang Freedom Park, kung saan malayang nailalabas ng mga mamamayan ang kanilang freedom of expression.
BASAHIN: EDSA paralisado sa ‘surprise rally’ ng INC
Gayunpaman, nagpadala pa rin ang pamahalaang lungsod ng mga tauhan mula sa Manila Police District (MPD) at Department of Public Services (DPS) upang magbantay at umalalay sa seguridad.
Sa kabila ng tagumpay ng aktibidad, inamin ng ama ng lungsod na ang matinding trapiko ang nananatiling pinakamalaking hamon tuwing may malaking pagtitipon sa Maynila.
Aniya, kapag napuno ang mga pangunahing kalsada tulad ng Recto, España, at Roxas Boulevard, asahang paralisado o apektado ang daloy ng trapiko sa buong lungsod.
Gayunpaman, nagpasalamat pa rin si Mayor Isko sa kooperasyon ng mga dumalo, kapwa mga residente ng Maynila at mga naglakbay pa mula sa iba’t ibang lalawigan, dahil sa ipinamalas na mataas na antas ng disiplina sa buong durasyon ng kanilang programa. (MINA PADERNA)
