December 20, 2024

P8M SUHOL SA BAWAT SUSPEK SA DEGAMO SLAY – REMULLA

Ibinahagi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inalok ng P8 milyon bawat isa ang mga nahuling suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

“Yun ang intelligence sa loob ng NBI na ganoon ‘yung alukan ng pera para itong mga taong ito ay bumaliktad,” sabi ni Remulla sa panayam sa telebisyon.

Ang alok ay para sa pagbawi ng mga suspek sa una nilang pag-amin sa kanilang bahagi sa pagpatay kay Degamo, gayundin ang pagkakasangkot ni suspended Negros 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” A. Teves Jr.


Ayon pa kay Remulla, diumano ang halaga ay inalok sa mga suspek ni dating Justice Usec. Reynante Orceo, ang abogado ng isa sa mga sinasabing utak sa krimen na si Marvin Miranda.

Bukod kay Miranda, hawak din ng NBI sina Rogelio  Antipolo Jr., Winrich  Isturis, Joven Javier, Romel  Pattaguan, Eulogio  Gonyon Jr., John Louie  Gonyon, Jhudiel  Rivero, Joric Labrador, Benjie Rodriguez, at Dahniel  Lora.

Dagdag pa ni Remulla hindi nagustuhan ng korte ang pagbawi ng mga suspek sa una nilang pag-amin.