November 5, 2024

P800-K shabu nasabat sa Caloocan buy-bust, 2 tulak na bebot, tiklo

Photo courtesy: Caloocan City Police Station/FB

NASABAT ng pulisya ang mahigit P800,000 halaga ng shabu sa dalawang bebot na tulak ng illegal na droga, kabilang ang isang health worker matapos madakip sa magkahiwalay na buy bust operation sa Caloocan City.

Sa ulat ni Caloocan polic chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) P/BGen. Ponce Rogelio Peñones Jr, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police ng impormasyon na nagbebenta ng shabu si Celia Peña alyas “Rose”, 45 ng Phase 12, Tala, Brgy. 188 kaya isinailalim nila ito sa surveillance.

Nang makumpirma na positibo ang ulat, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Cpt. Ronald Allan Soriano, kasama ang 3rd MFC, RMFB ang buy bust operation sa Domato Avenue, Phase 12, Brgy. 188, kung saan makipagkita umano ang suspek sa pulis na nagpanggap na buyer.

Matapos tanggapin ng suspek ang marked mmoney mula sa pulis poseur-buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad siyang inaresto ng mga operatiba, dakong alas-2:30 ng madaling araw.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 20 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P136,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 at 16-pirasong P1,000 boodle money.

Nauna rito, bandang alas-8 ng gabi nang madakma naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Sta Rita St., Brgy. 188 ang health worker na si Nerna Awalil alyas “Inda”, 32, residente ng Salam Compound, Brgy. Culiat Tandang Sora, Quezon City, matapos bintahan ng P65,000 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Ayon kay Col. Lacuesta, nakuha sa suspek ang humigi’t kumulang 100 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P680,000.00, buy bust money na isang P1,000 bill, kasama ang 64-pirasong P1,000 boodle money at isang pouch.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.