December 24, 2024

P488-M GASTOS SA RENTA NG OSG, NASILIP NG COA

SINITA ng state auditors ang hindi makatarungang gastos ng Office of the Solicitor General (OSG) na pumalo sa tinatayang P488 milyon sa nakalipas na 16 taon para sa renta at pagkukumpuni ng dalawa nitong opisina at parking spaces sa Makati City.

Batay sa 2023 annual audit report ng Commission on Audit (COA) sa OSG, ang naturang halaga ay ipinambayad para sa “renta, utility expenses, corresponding repairs at renovations ng leased office spaces at parking slots mula 2007 hanggang 2023.”

Umabot na sa P488 milyon ang nagastos ng OSG sa ilalim ng pangangasiwa ng pitong Solicitor Generals, kabilang na si incumbent Menardo Guevarra.

Sa pagsusuri ng COA, may tatlong opisina ang OSG sa Amorsolo Street sa Makati City – isang nagsisilbing punong tanggapan, habang inuupahan naman ang dalawang iba pa sa Montepino at APMC Bldg.

Ayon kay COA chief Gamaliel Cordoba, mas angkop sana kung ginamit na lang ang P488 milyon para bumili ng lupa at tayuan ng sariling gusali – “Such enormous amount could have been earmarked and used for other needed capitalization.”

“Renting is a short-term solution with no long-term gains in terms of allocating scarce resources,” saad sa isang bahagi ng COA audit report.

“The new office will be more beneficial and economical to the agency than leasing or renting an office space,” dagdag pa ng COA.