November 18, 2024

P44-B NASUGBU-BAUAN EXPRESSWAY PROJECT KASADO NA (Joint venture agreement nilagdaan ng SMC, Batangas gov’t)

Nilagdaan ng San Miguel Corporation (SMC) at ng provincial government ng Batangas ang isang joint venture agreement para sa Nasugbu-Bauan Expressway (NBEX) project na inaasahang magpapabilis sa biyahe sa silangan at kanluran ng lalawigan.

Ayon sa SMC, ang Batangas provincial government ay nagkaloob sa subsidiary nito, ang SMC Infrastructure, ng 35-year concession para idisenyo, itayo, i-operate, at i-maintain ang NBEX.

“This project will drive a lot of development for our province and for our towns here in the first district.,” saad ni Governor Hermilando Mandanas.

“Higit sa lahat, mas marami itong maibibigay na tulong at serbisyo sa ating mga mamamayan. Tunay pong partner in development ang San Miguel hindi lamang po sa Batangas, kundi sa buong Pilipinas,” dagdag pa nito.

Ayon naman kay SMC President and CEO Ramon Ang na: “The project would further unlock the economic potential of Batangas.”

Dagdag pa nito na ang naturang lalawigan ay malapit sa kanyang puso dahil ito ang tahanan ng maraming SMC facilities.

“Batangas has always been a valuable and reliable partner of San Miguel and as such, it is vital to our efforts to support our national economy and uplift the lives of many Filipinos through regional development,” ayon pa kay Ang.

Dagdag pa niya, kapag ang NBEX ay operational na, nangangako silang ihahatid ang 70% ng kita ng NBEX sa lokal na pamahalaan upang magamit ito sa pagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa mga residente.

“This will be key to furthering the growth of the province and improving lives and livelihood,” aniya.

Kapag nakumpleto na, mas mapapabilis ng NBEX ang biyahe papuntang Nasugbu, Balayan, Lemery, Bauan, ang Lungsod ng Calaca at iba pang munisipalidad, sa 45 minuto lamang mula sa dating isa’t kalahating oras.

Ang four-lane 61-kilometers long tollway ay magpapabilis din sa karaniwang 5-hour trip patungo at mula Manila sa 2 oras lamang.

Ayon kay Ang, ang target para sa substantial completion ng proyekto ay sa loob ng 48 buwan, kabilang ang 12 buwan na development ng detailed engineering design.