November 3, 2024

P4.6-B UNPAID SALARIES NG MGA OFW BABAYARAN NG SAUDI ARABIA


Inihayag ni Philippine Labor Secretary Silvestre Bello III ngayong Linggo, na magbabayad ang Saudi Arabian government ng P4.6 bilyon na unpaid salaries sa 9,000 overseas Filipino workers (OFWs).

Inaasahan na mababayaran ang naturang halaga sa Disyembre, kung kailan nakatakdang bumisita si Saudi Labor Minister al-Rajhi sa Pilipinas.

Ayon kay Bello, babayaran ang mga OFW na napilitang bumalik ng Pilipinas matapos hindi makatanggap ng suweldo at benepisyo mula sa kanilang mga employer.

Inilabas ng DOLE ang statement na ito matapos na dumalo si Labor Secretary Silvestre Bello III sa Abu Dhabi Dialogue sa KSA noong nakaraang linggo para talakayin ang kooperasyon sa pagitan ng mga bansa sa Asia at labor destinations.

Natalakay din sa naturang pag-uusap ang posibleng pagtanggal sa suspension sa Arab mega recruitment agencies na sinasabing responsable sa deployment ng mga OFWs na mayroong unpaid salaries at benefits.

Nitong buwan lang din ay umapela si Bello kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpataw ng deployment ban sa Saudi Arabia kung sakaling hindi pa rin mabayaran ang mga utang na sahod ng mga OFWs.