January 27, 2025

P4.5-T 2021 NATIONAL BUDGET, PASADO SA SENADO

Sa botong 22 pabor, walang tutol at walang abstention, pasado na sa ikalawa at ikatlong pagbasa ng Senado ang 2021 General Appropriations Bill (GAB) o ang ₱4.5-trillion pesos na panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.

Inilahad ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara ang nilalaman ng bersyon ng Senado ng panukalang pambansang pondo.

Aniya, nakasentro ang binuo nilang budget para sa pagbangon ng bansa mula sa iba’t ibang hamon na pinagdaanan natin ngayong taon, kabilang na dito ang pagsabog ng Bulkang Taal, pananalasa ng malalakas na bagyo, at ang COVID-19 pandemic.

Sa sektor ng kalusugan, kabilang sa mga isinama sa budget ang pagbili ng COVID-19 vaccine at ang pagkakaroon ng mass immunization program para dito, pagpopondo ng mas maraming contact tracers at dagdag na pondo para sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Pinaglaanan rin ng pondo ang pagpapabuti ng mga lokal na ospital sa buong bansa at ang pagpapatupad ng Doktor Para sa Bayan Law.

Pagdating naman sa pagtugon sa mga kalamidad, kabilang sa mga pinondohan ng Senado ang panukalang bumuo ng disaster rehabilitation and reconstruction assistance program, training ng mga first responders ng NDRRMC, at ang panukalang permanent evacation project para sa mga nasalanta ng Bulkang Taal at Mayon.

Sinabi rin ni Angara paiigtingin rin ng panukala nilang budget ang suporta para sa mga kababayan nating nawalan ng trabaho sa pamamagitan ng pagtataas ng pondo ng DOLE at ng TESDA upang mapalawig ang kanilang mga programang ayuda sa ating mga manggagawa.

Mayroon ring ipinasok na probisyon upang imandato ang gobyerno na iprayordad ang pagbili sa mga lokal na magsasaka at mangingisda para sa mga ipinamimigay nitong relief goods.

Dinagdagan rin ang pondo ng Department of Education (DepEd) para sa mga school supplies, teachers’ allowance, at printing ng mga modules.

Ngayong aprubado na sa Senado, nakatakda nang magsimula ang Bicameral Conference Committee meeting ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa November 28 hanggang December 3.

Dito pagkakasunduin ang magkaibang bersyon ng Senado at Kamara ng budget bill.